Ni NIÑO N. LUCES

LEGAZPI CITY, Albay – Nakaligtas ang isang lokal na broadcaster sa Albay sa pagtatangka sa kanyang buhay makaraang pagbabarilin siya ng dalawang hindi nakilalang lalaki sa parking lot ng pinagtatrabahuhan niyang himpilan ng radyo.

Kinilala ang biktimang si Carlos Sasis y Corpuz, 41, regular anchor ng programang “Dos Manos” sa Zagitsit News FM, sa Barangay Cruzada sa Legazpi City, Albay.

Sa panayam ng Balita kay Sasis, sinabi niyang tatlong beses siyang binaril ng isa sa mga suspek, at tumama ang mga bala sa mga gulong ng kanyang sasakyan. Pagkatapos, tinutukan siya ng baril ng mga suspek, subalit hindi, aniya, ito pumutok.

Probinsya

Mag-inang menor-edad, natagpuang nabubulok na bangkay sa loob ng sariling bahay

“Magpa-park sana ako ng aking sasakyan dahil may programa ako ng 9 o’ clock, bigla na lang may sunud-sunod na putok sa likuran ko. Pagtingin ko, nagkasa ng baril ‘yung lalaki, pero nag-jam ‘yung baril, tsaka tumakbo papunta sa kasama niyang naka-motor na naghihintay sa kabilang kalsada,” kuwento ni Sasis.

Isa ring incumbent kagawad sa Bgy. Cabangan sa Camalig si Sasis, na nagsabing wala siyang ideya sa posibleng motibo ng mga gustong pumatay sa kanya.

“Wala po akong ideya, although nagko-komentaryo din ako, pero hindi naman ako hard-hitting na komentarista para gawin to sa akin,” paliwanag ni Sasis.

“Sabi ng mga nakakita, matagal nang nakatambay ‘yung mga suspects. Nagkape pa nga raw sa harap ng istasyon. Pagdating ko, at habang pa-park ako ng sasakyan ko, pinaputukan ako,” kuwento pa ni Sasis.