Ni: Orly L. Barcala
Kung hindi dahil sa mga usisero’t usisera, isa nang bangkay ang obrero na binaril ng tatlong hindi pa nakikilalang suspek sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.
Kasalukuyang nagpapagaling sa ospital si Erwin San Miguel, 32, ng Dulong Tangke Street, Barangay Malinta ng nasabing lungsod, na nagtamo ng bala ng caliber. 45 sa kanang tuhod.
Base sa report, naglalakad ang biktima patungo sa isang karinderya sa Dulong Tangke, dakong 6:30 ng gabi.
Nakasalubong ni San Miguel ang tatlong lalaki at dahil sa masamang kutob, kumaripas ito at hinabol siya ng mga suspek at binaril.
Nang makarinig ng putok ng baril, naglabasan ang mga residente at nakiusyoso kaya nag-alangan ang mga suspek na muling barilin ang biktima at tumakas na lamang.
Inaalam na ng awtoridad kung may kinalaman ang ilegal na droga sa insidente.