Ni: Rommel P. Tabbad at Light A. Nolasco

Isinailalim na ng Department of Agriculture (DA) bilang “poultry critical areas” ang 16 na lugar sa Cordillera Autonomous Region (CAR), dahil na rin sa outbreak ng bird flu virus sa bansa.

Tinukoy ng Bureau of Animal Industry (BAI) ng DA-Cordillera na kabilang sa mga lugar na ito ang Pidigan sa Abra; Calanasan, Flora, at Sta. Marcela sa Apayao; Rizal at Tabuk City sa Kalinga; Barlig at Sagada sa Mountain Province; Alfonso Lista, Hungduan, at Lamut sa Ifugao; at ang Bokod, Buguias, Itogon, La Trinidad, at Mankayan sa Benguet.

Ayon sa DA, nagpapairal na sila ng quarantine upang matiyak na ligtas ang mga poultry product na ipinapasok sa Cordillera.

Probinsya

Mag-inang menor-edad, natagpuang nabubulok na bangkay sa loob ng sariling bahay

Una nang inihayag ng kagawaran na batay sa kanilang pagsusuri ay negatibo sa avian influenza virus ang samples na nakuha nila sa CAR.

Sinabi pa ng DA na aabot na sa 1.5 milyon ang poultry population sa Cordillera, at pinakamalaking bilang ang naitala sa Ifugao, Abra at Benguet.

Samantala, tinapos na kahapon ng DA ang pagpatay sa libu-libong manok sa mga bayan ng Jaen at San Isidro sa Nueva Ecija makaraang magpositibo sa bird flu virus ang isang poultry farm sa lalawigan.

Paliwanag ni Dr. Arlene Vytiaco, Animal Health and Disease Control Section chief ng BAI, isinagawa ang pagpatay sa mga manok, itik at pugo upang hindi na umano kumalat ang nasabing virus.

Nilinaw ni Vytiaco na hindi pa binabawi ng BAI ang administrative circular nito na nagpapahintulot sa pagbibiyahe ng mga manok at iba pang poultry products patungo sa Visayas at Mindanao.

Gayunman, hindi saklaw ng nasabing direktiba ang mga manok, pato, itik at pugo mula sa seven-kilometer radius controlled zones sa Jaen at San Isidro sa Nueva Ecija, at San Luis sa Pampanga.

Naniniwala naman si Nueva Ecija Gov. Czarina Cherry Domingo Umali na makakabangon ang industriya ng manukan sa lalawigan kapag nalampasan na ang krisis na dulot ng bird flu virus.

Batay sa ulat kahapon, sinabi ni Dr. Abraham Pascua, co-chairman at tagapagsalita ng Provincial Disaster Risk Reduction & Management Council-Nueva Ecija, na umabot na sa 106,167 pugo sa Jaen at 46,500 chicken layer sa San Isidro ang nakatay na.