NI: Orly L. Barcala

Nauwi sa paghihimas ng rehas ang malilikot na kamay ng isang helper na pinagnakawan ang sarili nitong amo sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.

Sa panayam kay SPO1 Roberto Santillan, sinampahan ng kasong qualified theft si Lino Polido, 29, stay-in helper sa Dulong Tangke, Barangay Malinta ng nasabing lungsod.

Sa reklamo ni Rodrigo Enriquez, 60, amo ng suspek, kitang-kita niyang pumasok sa kanyang kuwarto si Polido at tinangay ang dalawa niyang mamahaling singsing mula sa jewelry box na nakalagay sa tokador, dakong 6:30 ng gabi.

National

Ogie Diaz, pinalagan sinabi ni Greco Belgica na hayaan mga 'tunay na lalaki' sa gobyerno

Kumaripas umano si Polido at hindi nagawang habulin ni Enriquez dahil siya ay naka-wheelchair matapos ma-stroke nitong nakaraang taon.

Dahil dito, nagdesisyon si Enriquez na magtungo na lamang sa presinto at isumbong ang suspek, dakong 7:00 ng gabi.

Nang imbitahan sa presinto, itinanggi ni Polido ang akusasyon ni Enriquez.

Sa follow-up investigation ni SPO1 Santillan, lumutang ang isang Poncio Iglesia at sinabing isinanla sa kanya ni Polido ang isang singsing sa halagang P18,000.

Sa puntong ito, inamin na ng suspek ang pagnanakaw, gayundin ang pagsasanla, sa halagang P35,000, ng isa pang singsing ng biktima.

Ayon kay Enriquez, apat na beses na siyang ninakawan ni Polido.