Ni: Jeffrey G. Damicog
Nagbalangkas na ang Supreme Court (SC), umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal (PET), ng rules and guidelines para sa revision ng mga balota kaugnay sa election protest ni dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Naglabas ang PET ng limang pahinang resolusyon na may petsang Agosto 8 na naglalahad ng mga alituntunin kabilang ang composition, screening at hiring ng mga miyembro ng Revision Committees, paglikha ng Exploratory Mission o Retrieval Team gayundin ang kompensasyon sa mga makikibahagi sa aktuwal na revision of ballots.
Sa kanyang resolusyon, inamyendahan ng tribunal ang Rules 39(b) ng 2010 PET Rules sa pag-oobliga sa bawat Revision Committee na bubuuin ng coordinator na isang abogado, recorder at representative, mula sa protestant na si Marcos at sa protestee na si Vice President Leni Robredo.
Inaatasan din ang magkabilang partido na magtalaga ng kani-kanilang alternative representatives.