NI: PNA

PINONDOHAN ng gobyerno ng Japan ang proyektong tutulong sa 5,750 magsasaka at residente sa bayan ng Baggao sa Cagayan, upang mapalaki ang kanilang kita sa pamamagitan ng paglikha ng uling nang hindi masisira ang kalikasan.

Dinala ng Japan nitong nakaraang linggo ang Production and Marketing of “Clean and Green” (non-wood) Charcoal” facility sa munisipalidad.

Dinaluhan ang seremonya nina Kenji Terada, First Secretary ng Embahada ng Japan; Baggao Mayor Leonardo Pattung; at St. Paul University Philippines President, Sister Merceditas Ang, ng Sister’s of St. Paul Chartres.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Sa ilalim ng Grant Assistance for Grassroots Human Security Projects (GGP), magbibigay ang St. Paul University Philippines ng teknikal na training assistance sa bagong produksiyon ng uling, kabuhayan pati na ang pagpapalawig ng entrepreneurial skills ng publiko.

Layunin ng proyekto na mapangasiwaan at magamit ang mga agricultural waste na magbibigay-daan upang matigil na ang pagpuputol ng punongkahoy o ilegal na pagkakaingin, para makalikha ng uling na mula sa kahoy, na sanhi ng pagkaubos ng mga likas na yaman sa Cagayan.

Ang mga agricultural waste, gaya ng busil ng mais, ay maaaring gawing alternatibo at epektibong pagkukunan ng mga raw material.

Sa ilalim ng GGP, nagbigay ang Embahada ng Japan noong 2015 ng US$70,718 (P3 milyon) ayuda sa St. Paul University Philippines para makapagtayo ng establiyisimento para maging pasilidad sa produksiyon ng uling na mula sa busil ng mais, pag-aayos ng mga makina at mga gamit, at pagbili ng maliit na truck para sa pagbibiyahe ng produkto.

Inilunsad ng gobyerno ng Japan, na nangungunang official development assistance (ODA) donor ng Pilipinas, ang proyekto noong 1989 upang sugpuin ang kahirapan at tulungan ang iba’t ibang komunidad na ang agrikultura ang ikinabubuhay.