Ni: Bella Gamotea

Sa selda ang bagsak ng maglive-in partner na nabuking sa ilegal na droga makaraang sitahin sa paglabag sa batas-trapiko habang sakay sa motorsiklo sa Pateros, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang mga suspek na sina Russel Buce y Gonzales, alyas Kalbo, 32, at Mary Joy Mapiles y Namoro, alyas Joy, 39, kapwa ng Chavez Street, Barangay Upper Bicutan, Taguig City.

Sa ulat ng Southern Police District (SPD), nagsagawa ng Oplan Sita ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 2 ng Pateros Police Station sa tapat ng 7-Eleven convenience store, sa B. Morilla St., Bgy. Poblacion, bandang 4:45 ng hapon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sinita ng mga pulis ang mga suspek, na sakay sa itim na Rusi motorcycle, dahil kapwa walang suot na helmet at nag-counter flow.

Wala rin umanong naipakitang lisensiya si Buce, walang plaka ang minamanehong motorsiklo at walang OR/CR kaya kinumpiska ng awtoridad ang nasabing motorsiklo.

Bukod diyan narekober din kay Buce ang isang pakete ng hinihinalang shabu.

Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 4136 (Driving without License) at Section 5 (Transportation of Dangerous Drugs), ng Article II, RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.