Ni: Aris Ilagan

MGA commuter, kumusta na kayo?

Kung pagbabasehan ang mga napanonood natin sa TV news at naririnig sa mga balita sa radyo, pahirap na nang pahirap ang pagsakay ngayon sa mga pampublikong sasakyan.

Bukod sa suspensiyon ng Uber, and’yan din ang mga dati ng mga suliranin sa pagkakabuhul-buhol ng trapiko, kakulangan ng mga pampublikong sasakyan, at maya’t mayang pagtirik ng Metro Rail Transit at Light Rail Transit.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Habang nagdurusa ang mamamayan, patuloy naman ang pag-epal ng mga kongresista na walang ginawa kung hindi ngumakngak tuwing may kontrobersiya.

And’yan ang isang mambabatas na hindi natin batid kung ano ang hinithit at bigla na lang naghain ng panukala sa Mababang Kapulungan na humihiling sa kanyang mga kabaro na sumakay sa mga public utility vehicle (PUV) upang madama ang kalbaryo ng mga ordinaryong tao.

Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?

Bakit kailangan pang maghain ng panukala hinggil dito. Kung matino ang pag-iisip ng mga mambubutas, este mambabatas, dapat ay nagkukusa silang mag-commute upang mapulsuhan ang tunay na estado ng pampublikong transportasyon sa bansa.

At dahil sa limpak-limpak ang suweldo na kanilang natatanggap bilang mambubutas, este mambabatas, ayan, inilalantad pa ang kanilang mamahaling SUV nang walang pakundangan.

Sa halip na magkunwari kayo sa pakikiisa sa mga pobreng commuter, bakit hindi n’yo itutok na lang ang inyong kanyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Hindi maikakaila na ang LTFRB ang puno’t dulo ng kalbaryo ng mga commuter.

Tama ang iniisip n’yo. Kurapsiyon ang ugat ng lahat at batid natin na ang LTFRB ang isa sa mga nangungunang ahensiya sa larangan ng katiwalian.

Kung ating tutuusin, ang LTFRB ang nag-ipit ng prangkisa ng mga taxi kaya namayagpag ang transport vehicle network service, tulad ng Uber at Grab.

Ginawang gatasan ng ahensiyang ito ang mga nag-a-apply ng prangkisa sa taxi.

At dahil sa sobrang mahal ng... sinisingil ng mga buwaya sa LTFRB sa prangkisa, naging uso tuloy ang kabit system. At dahil sa maraming kumagat sa kabit system, marami na rin ang nagpatong at nangumisyon kaya naging sobrang mahal ang pagkuha ng prangkisa.

Ano ba ang dahilan kung bakit iniipit ng LTFRB ang prangkisa para sa mga taxi habang alam nating lahat na kulang ang pampublikong sasakyan na bumibiyahe?

Isang linggo na ang lumipas nang simulang ipatupad ang one-month suspension laban sa Uber.

Maraming patron nito ang nagdurusa ngayon dahil sa hirap makakuha ng taxi tuwing rush hour.

Ano’ng say kaya ngayon ng LTFRB?