Nina MARIO B. CASAYURAN at LEONEL M. ABASOLA

Ibinunyag kahapon ni Sen. Panfilo M. Lacson, chairman ng Senate committee on public order and dangerous drugs, na malakas ang bulung-bulungan sa Bureau of Customs (BoC) na tumanggap umano si dating Commissioner Nicanor Faeldon ng “pasalubong” na nagkakahalaga ng P100 milyon nang maluklok para pamunuan ang kawanihan noong 2016.

“Holy mackerel! Welcome pa lang, may kita na. Corruption is like a snowball. Once it’s set a rolling, it must increase,’’ sinabi ni Lacson sa kanyang privilege speech kahapon tatlong araw makaraang alisin ni Pangulong Rodrigo Duterte si Faeldon sa BoC sa harap ng mga alegasyong hindi masawata ang kurapsiyon at drug smuggling sa Customs.

Ayon pa kay Lacson, ang ikaapat na bahagi ng P100 milyon, o P25 milyon, ay napunta umano kay Joel Teves, sinasabing middleman ni Faeldon, bilang finder’s fee.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“If in the Armed Forces of the Philippines (AFP) under a previous administration, you end your stint with the infamous ‘Good bye Pabaon’,’ at the Bureau of Customs naman, you start your stint with a ‘Welcome Pasalubong’,” dagdag pa ni Lacson.

“For the past weeks, I have been expressing my disbelief with President Duterte’s unusual calm and gentle reaction to the alleged involvement of his people in customs, to the massive volume of drugs that easily made its way to our controlled borders,” sabi pa ng senador. “Nevertheless, after weeks of public outcry here, there and everywhere for the removal of Faeldon, President Duterte has finally acted and replaced him as customs chief, even for an ‘honest man,’ it is better late than never.”

Binanggit din ni Lacson ang 44 umanong nagbigay ng suhol mula sa pribadong sektor, 33 opisyal at kawani ng BoC sa Manila port at sa Manila International Container Port (MICP), at walong opisyal ng kawanihan sa central office, na aniya’y tumatanggao ng lingguhang payola batay sa sinisingil sa bawat container van na ipinapasok sa bansa, at nagbibigay ng preferential treatment sa “tara’’ (payola) system.

Sinabi ni Lacson na regular umanong tumatanggap ng tara si Faeldon at ang iba pang matataas na opisyal at collector ng BoC, kabilang ang mga dati nitong kasamahan sa militar.

Pinangalanan din ng senador ang limang “big players’’ na tumutulong sa paglalabas ng 390-490 container van kada linggo sa Port of Manila at MICP. Ito, aniya, ay sina David Tan, “Kimberly’’ Gamboa, Teves group, Manny Santos, at ang Davao group na kinabibilangan ng broker na si Mark Taguba.

Samantala, tiwala naman si Lacson na hindi kakainin ng sistema ang bagong talagang BoC commissioner na si Isidro Lapeña, at pinayuhan ang huli na ipamalas ang pagiging leader.

“Leadership by example—ipakita niya (Lapeña) bilang pinuno na ginagawa niya ang kanyang ipinag-uutos,” sabi ni Lacson.