NI: Aaron Recuenco, Beth Camia, Samuel Medenilla, at Roy Mabasa

Negatibo ang resulta sa paraffin test na isinagawa ng mga forensic experts ng Philippine National Police (PNP) sa 17-anyos na si Kian Loyd delos Santos, na pinatay sa anti-drugs operations sa Caloocan City nitong Agosto 16 makaraan umanong paputukan ng baril ang mga aaresto sa kanya.

Dahil dito, muling kinontra ng resulta ng test ang nakasaad sa after-operations report ng Caloocan Police na nanlaban ang binatilyo sa mga pulis kaya binaril at napatay siya ng mga ito.

“Paraffin cast taken from the both hands of one Kian Lloyd delos Santos gave negative result to the test of gunpowder nitrates,” saad sa summary ng resulta ng pagsusuri ng PNP Crime Laboratory.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Gayunman, nakasaad din sa report na nagpositibo sa pulbura ang .45 caliber pistol na hawak ng estudyante ng Grade 11, na nangangahulugang pinaputok ito.

2 TAMA NG BALA LANG

Iba rin ang resulta ng awtopsiya ng PNP Crime Lab sa pagsusuri ng forensic doctors ng Public Attorney’s Office, na nagsabing nagtamo si delos Santos ng dalawang tama ng bala sa ulo at isa sa likod.

“There were two gunshots wound. They were saying that it was three so now it is clear, based on our results from Crime Laboratory, that they stand with their findings that there were only two,” ani Chief Supt. Aurelio Trampe, director ng PNP Crime Lab, sinabing parehong sa ulo ang tama ng binatilyo.

3 TESTIGO IPRINISINTA

Samantala, iprinisinta na sa mga kinatawan ng National Bureau of Investigation (NBI), Office of the Ombudsman, at Commission on Human Rights (CHR) ang tatlong testigo sa pagpaslang sa binatilyo na nasa kustodiya ni Senador Risa Hontiveros.

Dalawa sa mga testigo ay menor de edad, isang 13 at isang 16 anyos, habang ang isa ay 31 taong gulang.

Sinabi rin ni Hontiveros na dadalo ang tatlo sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ngayong Huwebes kaugnay ng pagpatay kay delos Santos.

Kaugnay nito, magsasagawa naman ang mga overseas Filipino worker (OFW) ng worldwide demonstration bukas, Agosto 25, kaugnay ng pagkamatay ni delos Santos, na anak ng isang OFW.

WORLDWIDE PROTESTS

Sa Twitter, inihayag ng Migrante International na pinakikilos nito ang mga kasapi upang makiisa sa Global Action Day sa social media para manawagan ng hustisya para sa binatilyo.

“Organize protests, prayer rallies, forums, exhibits/photo sessions and gatherings with your family, friends, or the Filipino community in your area. Post photos and videos of you gathering,” ayon sa Migrante.

“Post your letters on the ‘#OFWs4Kian Global Action Day’ Facebook event page so we can deliver your messages to Kian’s family in the Philippines,” saad pa ng Migrante.

UNICEF UMAPELA

Kasabay nito, pormal ding umapela ng patas at agarang imbestigasyon ang United Nations Children’s Fund (UNICEF) para kay delos Santos.

Ayon kay UNICEF Representative in the Philippines Lotta Sylwander, ang gagawing imbestigasyon “must be undertaken in a manner that seeks to guarantee the best interests of children and promote respect for their rights.”