BINANGGIT ni Pangulong Duterte sa kanyang State-of-the-Nation Address (SONA) noong Hulyo 2016 ang Laguna Lake bilang isang problemang nangangailangan ng agarang atensiyon. Aniya, bawat pagkakataong nagtutungo siya sa Davao City ay natatanaw niya ang lawa na punumpuno ng mga fish pen at naiisip niya ang mahihirap na mangingisda na umaasa ng ikinabubuhay mula sa lawa. Dahil dito, nanawagan siya para sa pagbabaklas ng mga istruktura sa lawa, kasabay ng pagkilos upang itigil ang pamiminsala sa watershed at ang polusyon sa lawa.
Mahigit isang taon na ang nakalipas. Ano na nga ba ang nagawa ng administrasyon sa pamamagitan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ng Laguna Lake Development Authority (LLDA)? Ito ang itinanong ni Buhay Party-list Rep. Lito Atienza sa pagtalakay ng House Committee on Appropriations para himayin ang budget ng DENR para sa taong 2018.
May 2,000 ektarya ng nagtatayugang kawayan na nag-usli sa lawa ang naalis na mula sa Laguna Lake, ayon sa LLDA, ngunit may 10,000 ektarya pa ng lawa ang natitirikan pa rin ng mga ito. Hirap pa rin ang mga mangingisda na magmaniobra sa pagitan ng mga nag-usling kawayang ito, at ng daan-daang fish pen at libu-libong fish cage.
Ang tubig mula sa Laguna Lake ay umaagos patungong Pasig River, diretso sa Manila Bay. At isa pa itong problema, ayon kay Atienza, dating alkalde ng Maynila at minsang naging kalihim ng DENR. Taong 2008 nang ipinag-utos ng Korte Suprema sa 13 ahensiya ng gobyerno ang paglilinis at pagsailalim sa rehabilitasyon sa Manila Bay, at DENR ang pangunahing ahensiyang responsable sa pagpapatupad ng atas ng korte. Naging “one big sewer” na ang Manila Bay, ayon kay Atienza, dahil sa napakaraming basura mula sa kabahayan at mga pabrika sa Metro Manila na umaagos sa Pasig River hanggang sa Manila Bay. Ngayon, mayroon na ring mga panukala para sa anim na reclamation project sa lawa, dagdag niya.
Sa unang taon ng administrasyong Duterte, pinagtuunan ng seryosong atensiyon ng DENR ang industriya ng pagmimina at ang masamang epekto sa kalikasan ng maraming minahan, partikular na sa mga ilog at watershed. Ibinasura ng Commission on Appointments ang pagkakatalaga kay dating DENR Secretary Gina Lopez, ngunit ipinagpatuloy ni Pangulong Duterte ang kampanya ng kalihim upang disiplinahin ang mga kumpanya ng minahan. Nakasalalay na ngayon ang responsibilidad na ito sa bagong kalihim na si Roy Cimatu.
Gayunman, maliit na bahagi lamang ang pagmimina ng mga problemang kailangan niyang tutukan. Marapat na busisiin ng kagawaran ang mga yamang-tubig ng bansa—mga ilog, lawa, baybayin at iba pang nakapaligid sa mahigit 7,000 isla sa ating kapuluan. Tinukoy ni Pangulong Duterte ang problemang ito sa kanyang unang SONA, at kaisa natin ngayon si Congressman Atienza sa pagtatanong kung ano na nga ba ang mga nagawa para resolbahin ang suliranin.
Totoong may matinding pangangailangan para sa malawakang paglilinis sa mga yamang-tubig sa bansa—at maaari natin itong simulan sa Laguna Lake.