Ni: Nora Calderon
MASAYANG-MASAYA ang stage actor-singer/comedian na si Jerald Napoles na hindi siya nawawalan ng raket. Katatapos lang niya sa CareDivas ng PETA na hinahabol pa ng ibang gustong manood pero tapos na nga ang kanilang presentation.
Ang indie film niyang TripTiKo ay isa sa mga pinilahan sa katatapos lang na Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP).
Regularly ring napapanood si Jerald sa Sunday Pinasaya at naggi-guest sa ibang shows ng GMA Network. Madalas na rin siyang mapasali sa mga teleserye sa GMA-7.
Pero itinuturing niyang malaking break na mapasali sa Super Ma’am ang fantasy-drama serye ni Marian Rivera. Gaganap siyang special friend ni Marian. Iisa ang kanilang management, ang Triple A, kaya comfortable na silang magkasama dahil kabatuhan ding madalas ni Marian si Jerald sa mga dramarama segments nila sa Sunday Pinasaya.
Noong isang araw ay nag-look test at pictorial na sila ng serye at kasama ni Marian ang anak na si Baby Letizia na kinatuwaan naman ng co-stars nila. Bibo si Zia at tuwang-tuwa si Jerald nang sumama ito sa kanya at nang sabihin kay Zia na “Kuya cute,” malakas itong inulit ng unica hija nina Marian at Dingdong Dantes.
Ipinasyal pa ni Marian si Zia sa ibang office ng GMA at nang makita ni Zia ang standee ng Alyas Robin Hood ng tatay niya, ang sabi raw ni Zia, “kiss” na nakanguso talaga. Kaya tawa nang tawa ang mga nakakita sa kanilang mag-ina.
Inamin ni Marian na ngayong tuluy-tuloy na ang taping niya ng Super Ma’am ay lalo niyang nami-miss si Zia, kaya tuwing may chance na puwede niyang isama ang anak sa trabaho, isinasama niya.
Malapit nang mapanood ang Super Ma’am, sa third week ng September. Katambal ni Marian ang baguhang actor/model na si Matthias Rhoads na thankful dahil tinuturuan daw siya ni Marian na magsalita ng Tagalog. Sa direksiyon naman ni LA Madridejos.