Ni: Fer Taboy

Pinugutan ng ulo ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang isang retiradong sundalo na dinukot ng mga bandido nang salakayin nitong Lunes ang isang komunidad sa Maluso, Basilan, iniulat kahapon ng pulisya.

Ayon sa report ni Senior Supt. Christopher Panapan, hepe ng Basilan Police Provincial Office (BPPO), kinilala ang biktimang si retired Army Sgt. Julio Pasawa, 63, ng Barangay Upper Mahayhay, na dinukot ng ASG sa Bgy. Tubigon sa Maluso.

Matatandaang siyam na sibilyan ang pinagbabaril at napatay ng mga bandido sa Bgy. Tubigon nitong Lunes, sa kasagsagan ng pagdiriwang ng pista sa lugar. Sampung iba pa ang nasugatan sa nasabing pagsalakay.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Nabatid na nanunog pa ang Abu Sayyaf ng apat na bahay sa lugar, kabilang ang bahay ni Pasawa.

Dinukot din ng mga bandido si Pasawa, hanggang sa matagpuan ang pugot na bangkay ng huli nitong Martes ng umaga.

Batay sa ulat ng Maluso Municipal Police, dakong 8:00 ng umaga nitong Martes nang matagpuan ang bangkay ni Pasawa na walang ulo.

Ayon naman kay Col. Juvymax Uy, commander ng Joint Task Force Basilan, si Pasawa ay isang retiradong sundalo at isang Islamic convert.