Ni: Lyka Manalo
BATANGAS CITY – Pautang na pera ang tinitingnang motibo sa pamamaril sa isang legal researcher at kaanak ng isang bokal sa Batangas City kamakailan.
Dakong 8:40 gabi nitong Agosto 17 nang pinagbabaril si Marben Christian Javillo, 29, kaanak ni Batangas City Board Member Arthur Blanco, habang sakay sa kanyang kotse na nakaparada sa Diversion Road ng Barangay Bolbok.
Nagtamo si Javillo ng tatlong tama ng baril sa ulo, na ikinamatay nito.
Inaresto at kinasuhan ng murder si Maria Celeste Chavez, alyas Bonna.
Ayon kay Edlyn Aguda, chief of staff ni Blanco, may inilabas umanong malaking halaga ng pera ang biktima, na ipinapautang naman ng suspek at namamahala sa koleksiyon nito.
“Ang plano niya sa pera ay ibibili ng engagement ring kasi magpo-propose na po siya kaya gusto na niya makuha na lahat,” lahad ni Aguda.
Naaresto si Chavez nitong Biyernes sa opisina ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ayon kay Batangas City Police chief, Supt. Norberto Delmas.