Ni: Erik Espina

ISANG uri ng karahasan sa pulitika ang pananambang sa kalaban sa kapangyarihan. Suwail na pamamaraan ang gumamit ng dahas upang tapusin ang buhay ng katunggali sa tunay na demokrasya. Sa pamamagitan ng balota, taumbayan ang karapat-dapat na magtangan sa resulta ng nagbabangayang personalidad o partido. Ang Agosto 21 ay bahagi ng kasaysayan sapagkat dalawang kaganapan, sa magkaibang dekada, ang naganap at nag-iwan ng malalim na sugat sa ating bansa.

Agosto 21, 1971 naganap ang madugong Plaza Miranda Bombing sa ‘di kalayuan na dambana ng Diyos, ang Quiapo Church.

Siyam ang namatay at 95 ang sugatan. Muntik maubos ang liderato ng Liberal Party (LP) sa Senado dahil sa ilang granadang ipinukol sa tribuna ng “Miting de Avance”. Unang tambakan ng sisi ang noo’y kasalukuyang Pamahalaan ni Marcos. Buwelta noon ni Marcos, ang mga komunista ang may pakana ng maitim na plano. Walang naniwala sa kanya.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Bagkus, marami ang nagalit at nakisimpatya, kaya mayorya, o anim sa Liberal, ang pinapanalo ng taumbayan, habang dalawa lang mula sa Nationalista Party ang nakaalpas sa botohan ng Senado. Tanging ang sugatang si Eddie Ilarde (LP), kasama sa mga nagwagi, ang naglakas-loob na magsalita na hindi si Marcos ang may sala. Pagkatapos ng maraming kabanata, mismong sina dating Senador Jovito Salonga at Eva Estrada Kalaw, base sa kanilang mga aklat, ang nagkumpirma na totoong ang Communist Party ng Pilipinas, sa ilalim ni Jose Ma Sison, ang utak ng Plaza Miranda. Ang napag-utusang si Danny Cordero ay tikom na ang bibig dahil pinatay din ito para wala nang kumanta.

Agosto 21, 1983 nang patayin ang pauwing si Ninoy Aquino sa paliparan sa Maynila. Ang petsa ng kanyang pagbabalik-bayan ay... unang itinakda ni Ninoy ng Setyembre. Sa naging usap-usapan sa pagitan ni Senador Doy Laurel at ang aking ama (Senador Rene Espina), na Secretary General ng UNIDO, panukala ng huli na itapat sa Agosto 21 bilang pagtanda sa Plaza Miranda. Ipinaabot ito ni Doy kay Ninoy, kaya sa naturang araw itinakda ang paglipad sa Pilipinas.

Sa naturang buwan at araw, muling umikot ang kasaysayan, at sa pagkakataong ito, tumambad sa kaisa-isang senador noong 1971, na hindi nakadalo o sadyang umiwas sa LP Plaza Miranda Bombing.