Ni: Reggee Bonoan
NAGSANIB ang fans nina Vhong Navarro at Lovi Poe sa premiere night ng Woke Up Like This nitong nakaraang Lunes sa SM Megamall Cinema 7 kaya punumpuno at SRO (standing room only) ang sinehan.
Walang tigil na tilian at hagalpakan ang reaksiyon ng fans na naririnig namin. Pati ang mga guwardiya ng SM na nakapalibot sa venue, panay rin ang halakhakan.
Tawa rin nang tawa sa mga pinaggagawa ng mga bida maging ang manager ni Vhong na si Direk Chito Roño na nakatayo sa may tabi ng hagdanan papuntang balcony section.
Pareho kasing maloko at matigas ang ulo ng karakter nina Lovi at Vhong bilang sina Sabrina at Nando kaya pinarusahan sila ni Lou Veloso na isang supernatural being (si San Pedro yata dahil may dalang manok) pero nagpapanggap na pulubi o taong-grasa.
Si Sabrina ang unang lumait sa pulubi dahil nakaharang sa dadaanan ng sasakyan niya samantalang si Nando naman ay masyadong buwakaw sa bola kapag naglalaro ng basketball na nang minsang magso-shoot ay nasagi ni Lou, ikinairita iyon ng binata kaya sinabihan niya ng hindi maganda ang nagpapanggap na pulubi.
Aliw ang buong pelikula lalo na nang maging lalaki si Lovi kahit girl na girl pa rin naman dahil ang ganda-ganda pa rin niya sa malaking telon.
Kahit nakakalukang tingnan, bagay namang maging girl si Vhong lalo na noong naka-make-up siya at nakaayos ang buhok at walang nakabakat. Ito siguro ‘yung sinabi ng aktor sa presscon na nakaipit o itinago niya kaya hirap na hirap siya dahil masakit.
Hirap na hirap si Vhong sa pagiging babae at samantalang sisiw lang kay Lovi ang pagiging lalaki.
Kontrabida ang karakter ni Dionne Monsanto na kaiiritahan talaga dahil effective ang pang-aapi kay Lovi.
Make-up artist at personal assistant naman ni Lovi sina Cora Waddell at Ynna Asistio na hindi siya iniwan nang maging lalaki siya.
Si Joey Marquez ang ama ni Vhong, anak-anakan niya si Raikko Mateo na anak ng babaeng mahal na mahal ng binata na namatay sa car accident kasama ang asawa at si Bayani Agbayani naman ang best friend niya.
May cameo role sina Vice Ganda at Teddy Corpuz sa Woke Up Like This bilang suporta kay Vhong na kasamahan din nila sa It’s Showtime.
Palabas na nationwide simula ngayong araw ang Woke Up Like This nationwide mula sa direksyon ni Joel Ferrer produced ng Regal Entertainment.
Nakita naming sumuporta sa premiere night ang ilang miyembro ng Hashtags sa pangunguna ni Mckoy de Leon at Nikko.
Present naman si Bryan Llamanzares na anak ni Sen. Grace Poe na pamangkin ni Lovi. Namataan din si Myrtle Saroza na sinasabing girlfriend ng direktor ng pelikula.
Aliw nga kasi nasa likod ni Myrtle ang ex-boyfriend niyang si Bryan na napapatingin sa kanya.
Maganda ang ngiti ni Mother Lily Monteverde sa narinig na mga positibong feedback sa Woke Up Like This.