ANG mga ulat tungkol sa kampanya kontra droga sa nakalipas na mga linggo at buwan ay pawang tungkol sa bilang at estadistika. Mayroong 32 napatay sa Bulacan noong Lunes, na sinundan ng 24 sa Maynila, at 18 sa Camanava (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) noong Martes at Miyerkules.
Ang kabuuang bilang na ito, na ang karamihan ay kinilala lamang sa kanilang alyas, ay mayroon nang mukha ngayon sa katauhan ng 17-anyos na estudyante ng Grade 11, si Kian Loyd de los Santos, na pinatay ng mga pulis-Caloocan sa kuwestiyonableng paraan. Sinabi ng pulisya na tulad ng ibang napatay sa mga operasyon ng pulisya kontra droga sa bansa, ay nanlaban ang binatilyo kaya nabaril at napatay. Gayunman, nakita sa kuha ng CCTV na nasa kustodiya na ng pulisya ang estudyante at kinakaladkad ng dalawang lalaki. Ayon sa mga saksi, bumibili lang ang binatilyo sa isang tindahan nang dumating ang mga pulis, kinaladkad ito sa eskinita bago pinahawak ng baril at sinabihang iputok ito at tsaka tumakbo.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na “isolated” ang insidente—at dapat na suriin sa konteksto nito.
Gumaganap sa tungkulin ang mga pulis upang pigilan ang isang bagay na sumisira sa bansa, aniya.
Masasabing suportado ng nakararaming Pilipino ang kampanya kontra droga. Ang problema ay ang paraan ng pagsasakatuparan nito, dahil ilang tiwaling pulis ang nagbabalewala sa umiiral na proseso ng pulisya. Maging ang ilang malalapit na kaalyado ng Pangulo sa gobyerno ay nagkomento na tungkol sa pagkakapatay sa binatilyo. “It is worrisome, to say the least,” sabi ni Sen. Panfilo Lacson.
Pinangunahan naman ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga pinuno ng Simbahan—na matagal nang nananahimik—nang inihayag niya nitong Linggo: “We knock on the consciences of those who kill even the hopeless, especially those who cover their faces with bonnets, to stop wasting human lives.” Sa unang bahagi ng nakalipas na linggo, sinabi ni Cebu Archbishop Jose Palma na bagamat sinusuportahan niya ang kampanya ng administrasyon laban sa ilegal na droga, labis siyang nababahala sa sunud-sunod na pamamaslang. Sa dulong hilaga, sinabi naman ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas na 15 minutong patutunugin ang mga kampana ng simbahan sa buong archdiocese tuwing sasapit ang 8:00 ng gabi upang gisingin ang konsensiya ng mga taong manhid at nagbubulag-bulagan na sa mga nangyayari sa kanilang paligid.
Nitong Linggo ng gabi, apat na araw matapos patayin si delos Santos at sumiklab ang mga kilos-protesta, nagprisinta ang pulisya ng Caloocan ng testigo na nagsabing tumanggap siya ng droga mula sa napatay na binatilyo. Inakusahan din ng pulisya ang ama ng estudyante ng minsang pagkakasangkot sa droga. Sa nangyaring ito, higit na naging importante ang pagsasagawa ng imbestigasyon upang malinawan ang mga detalye sa kaso.
Sinabi ni Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III na maglalabas ng resolusyon ang Mataas na Kapulungan upang kondenahin ang mga pag-abuso na posibleng ginawa ng mga pulis na nagsagawa ng mga operasyon kontra droga. Ayon naman kay Sen. Richard Gordon, chairman ng Senate Committee on Justice and Human Rights, may sapat na ebidensiya—ang kuha ng CCTV—upang magsagawa ng imbestigasyon. Sinabi naman ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na dapat na handa ang mga opisyal ng pulisya sa mga katanungang ibabato ng ilang senador kaugnay ng pagdinig sa halos P1 bilyon budget na hinihiling ng Philippine National Police para sa Oplan Tokhang o Double Barrel Reloaded.
“Kian’s life was ended so dastardly that it has unified the nation in anger and grief. The national grief can only be saved by the truth,” sabi ni Senator Recto.