NI: Mina Navarro
Nasakote ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) sa Pampanga ang isang convicted American pedophile na wanted sa Florida dahil sa paglabag sa mga kondisyon ng kanyang parole.
Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang 70-anyos na dayuhan na si Ronald Omar Pelletier, na inaresto nitong Sabado ng mga tauhan ng fugitive search unit (FSU) ng BI sa kanyang tinitirahan sa Paulette Street, Josefa Subdivision sa Barangay Malabanias, Angeles City.
Ayon kay Morente, may arrest warrant si Pelletier mula sa district court sa Florida makaraang mapatunayang nagkasala sa paglabag sa kanyang parole dahil sa hindi pag-uulat sa awtoridad ng pagbabago ng kanyang address sa mga awtoridad.
“He will be deported for being an undesirable and undocumented alien,” sabi ni Morente, idinagdag na kinansela na ng US State Department ang pasaporte ng dayuhan.
Sinabi pa ni Morente na maglalabas ngayong linggo ang board of commissioners ng summary deportation order laban kay Pelletier, na inilarawan bilang panganib sa kaligtasan at seguridad ng publiko dahil sa pagiging takas mula sa katarungan.
Nabatid na Mayo 20, 2017 nang dumating sa bansa si Pelletier, na hinatulan ng 18 buwang pagkakabilanggo dahil sa child pornography noong Setyembre 21, 2016, at pinagmumulta rin ng US$10,000.