NI: Celo Lagmay

SA nakalululang resulta ng isang online survey na si Vice President Leni Robredo ang karapat-dapat hirangin bilang Kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), hindi mapawi-pawi ang katanungan: Tanggapin kaya ng pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa ang naturang cabinet position? Negatibo ang aking reaksiyon sa naturang isyu.

Sa nasabing survey na isinagawa ng Presidential Communications Operations Office (PCOO), mistulang hinihikayat ng administrasyon na si VP Leni ay bumalik sa Gabinete. Magiging kahalili siya ni Ex-DSWD Secretary Judy Taguiwalo na hindi pinalusot ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA) sa dahilang hindi gaanong naipaliwanag.

Totoo na may naitalaga nang DSWD officer-in-charge subalit hindi ito nangangahulugan na sarado na ang pinto para kay VP Leni. Natitiyak ko na mismong si Pangulong Duterte ay nahihirapang pumili ng permanente hinete, wika nga, sa nabanggit na ahensiya ng pamahalaan; talagang mahirap ihanap ng kahalili ang isang opisyal na huwaran at matapat sa pagtupad ng gayong makatuturang misyon.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Hindi ko kakilala si VP Leni; kahit minsan ay hindi kami nagkadaupang-palad. Ngunit nasusubaybayan ko ang implementasyon ng kanyang mga programa, lalo na ang kanyang pagmamalasakit sa mga maralita na hanggang ngayon ay nananatili sa laylayan ng mga komunidad.

Ang gayong mga tungkulin ay isinusulong niya kahit na siya ay wala na sa Duterte Cabinet. Magugunita na siya ay nagbitiw bilang Chairman ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC). Hanggang ngayon ay paminsan-minsan pa ring lumulutang ang isyu na siya ay pinagbawalang dumalo sa isang... Cabinet meeting; naging dahilan ito marahil ng pagbibitiw niya sa puwesto noong nakaraang taon.

Dahil dito, malakas ang aking kutob na tatanggihan niya ang anumang posisyon sa Duterte Cabinet. Isa pa, ang pasiya tungkol dito ay maaaring isangguni niya sa pamunuan ng Liberal Party (LP), na siya ngayon ang Tagapangulo. Malakas din ang aking kutob na tututulan ito ng kanyang mga kapanalig bagamat ang isa sa mga haligi nito – si dating Pangulong Noynoy Aquino – ay paulit-ulit na nagpapahayag ng suporta sa Duterte administration.

Anuman ang paninindigan ni VP Leni sa nabanggit na isyu, natitiyak ko na hindi siya titigil sa mga gawaing pambayan at pangkawanggawa. Sa pamamagitan ng Office of the Vice President (OVP) at sa suporta ng pribadong sektor, marapat na lalo niyang pasiglahin ang isang makabuluhang pamana o legacy sa sambayanan – ang pagtutok sa laylayan ng ating lipunan.