NI: Czarina Nicole O. Ong, Light A. Nolasco, at Mike U. Crismundo

Siniguro kahapon ni Department of Agriculture (DA) Secretary Emmanuel Piñol sa publiko na ligtas ang mga karne ng manok na ibinebenta ngayon sa palengke.

“What is being sold in the market now is safe,” pahayag ni Piñol sa press conference na idinaos sa DA building sa Quezon City, idinagdag na ang DA ay “preventing the delivery of poultry products within the 7-kilometer radius of avian influenza-infected areas.”

At upang matulungan sa paniniguro ang mga mamimili, mag-iikot ang mga tauhan ng DA sa Metro Manila at magkakabit ng karatula na may nakasaad na: “Chicken and poultry products are certified safe by the National Meat Inspecting Service.”

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Bukod diyan, sinabi rin ni Piñol na ipapawalang bisa nila ang ban ng pagpapadala ng poultry products mula sa Luzon at iba pang bahagi ng Pilipinas, bagamat may ilang kondisyon ang kagawaran.

Una, ang shipment ay hindi manggagaling sa 7-kilometer radius quarantine ng San Luis, Jaen at San Isidro. Pangalawa, kinakailangang ang shipment ay na-validate ng quarantine officers ng DA, at mayroong seal of approval.

BOLUNTARYONG IPINAKAKATAY

Habang patuloy ang pagkatay sa mga apektadong manok at pugo, may mga poultry raisers din sa Jaen at San Isidor sa Nueva Ecija na boluntaryong ipinakakatay ang kanilang mga alaga.

Kinumpirma sa Balita ni Sangguniang Bayan member Sylvester Austria na nagboluntaryo ang ilang may-ari ng itik at pugo na ipakatay na rin ang kanilang mga alaga.

Hanggang kahapon, umabot na sa 28,160 pugo ang nakakatay ng mga tauhan ng Philippine Army at ng Bureau of Animal Industry (BAI).

PAGKAMATAY NG 20 MANOK SA BUTUAN

Ikinaalarma naman ng mga residente sa Butuan ang biglaang pagkamatay kahapon ng 20 manok, ilan sa mga ito ay sisiw pa.

Gayunman, siniguro ng DA-Caragasa publiko na walang dapat ikaalarma at nananatiling ligtas ang rehiyon mula sa avian influenza.

Ayon sa DA 13, iniimbestigahan na ng Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory (RADDL) ang pagkamatay ng mga manok sa Teachers Village sa Purok 5, Barangay Villa Kanangga.