NI: Dave M. Veridiano, E.E.

NANG marinig ko ang pahayag ni Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Ronald “Bato” dela Rosa na bukod sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kaso ni Kian Loyd delos Santos, na PINATAY ng isang grupo ng mga pulis-Caloocan, ay mag-iimbestiga rin ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)… nabuhayan ako ng loob dahil nasisiguro kong makakamit agad ng pamilya Delos Santos ang wari’y mailap na HUSTISYA!

Ngunit ang paniwala kong ito ay biglang nasundan ng mga salitang SANA at KUNG – nang magsalita si CPNP Bato sa media at iginiit niyang ang 17-anyos na si Kian ang taga-deliver ng droga para sa ama at tiyuhin nito, batay sa intelligence information at sa pahayag ng hawak nilang testigo.

Ang panibagong palpak na anggulong ito sa kaso ay galing na naman sa pamunuan ng Northern Police District (NPD).

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ipinagdiinan din nila ito sa media matapos silang magmukhang tanga sa una nilang script na “lumaban sa kanila si Kian at ito ang unang pumutok ng dala nitong kalibre 45 kaya ginantihan nila na ikinamatay agad nito.”

Ang nakakatawang script na ito ng NPD ay taliwas sa closed-circuit television (CCTV) footage ng barangay na malinaw na malinaw na mapapanood na inaresto, binugbog, binitbit, tinaniman ng baril, pinatakbo saka pinutukan si Kian. Ang mga ito ay tugma sa salaysay ng isang testigong ‘di napigilang maiyak habang isinasalaysay niya sa mga reporter ang “kahayupang” ginawa ng mga pulis kay Kian.

Ang isa pang nakakatawa rito ay ang katotohanang imposibleng makapagsuksok ng caliber 45 sa de garter na boxer shorts at sinabayan pa umano ng pagtakbo – sigurado kasing “hubu-takbo” ang gagawa nito bago pa man makatakbo ng ilang metro—ni Kian.

Maging ang Public Attorney’s Office (PAO), na hiningan ng tulong ng pamilya ni Kian, ay umayon na murder ang nararapat na isampa laban sa mga pulis. Base sa resulta ng laboratory examination, na isinagawa ng forensic doctor, tatlong tama ng bala ng baril ang tinamo ni Kian – dalawa sa ulo na tinawag na “fatal” at isa sa likod na tinawag namang “treacherous” ni PAO Chief Persida Acosta. Patunay umano ito na malapitan at walang kalaban-labang binaril ang binatilyo.

Sa karanasan ko sa pagkuha ng balita sa Camp Crame, walang kaduda-dudang papasok sa MURDER ang kaso ng mga pulis na PUMATAY kay Kian kapag CIDG ang tumutok sa kasong ito. Sa tindi ng mga ebidensiya laban sa mga pulis-Caloocan, siguradong ikakahon sila sa asuntong ito ng CIDG. Inaasahan ko naman ang positibong resulta dahil palagi naman kasing TOTOO ang lumalabas sa mga imbestigasyon ng CIDG, ang “premier investigating arm” ng PNP. ... Ang nagiging problema lang palagi rito – ay kapag pumanhik na ang “initial findings” ng CIDG sa mga BOSS ng PNP at taliwas ito sa gusto nilang resulta…biglang ipatitigil ito ng mga BOSS at ipahahawak naman sa mga bata nila na maglilihis sa unang resulta na tinutumbok ng CIDG. Kadalasan, ang findings ng CIDG ang nagiging guide ng mga “tagaluto” ng mga BOSS para ilusot sa kaso ang mga nakasalang nilang tauhan…’yan ang kalakaran at mahirap itong mapasubalian.

Katwiran ng magagaling na imbestigador ng CIDG, basta ginawa nila ang dapat na gawin at inilabas na nila ang tama – bahala na sila sa itaas kung gusto nila itong sundan, balewalain o kaya ay ibahin…kanya-kanya kasing interes ang inuuna ng pamunuan ng PNP!

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]