Ni GENALYN D.KABILING
Handa si Pangulong Rodrigo Duterte na bumaba sa puwesto kapag nagtagumpay ang mamamayan sa pag-aaklas laban sa kanyang administrasyon sa harap ng mga batikos sa kanyang war on drugs.
Sinabi ng Pangulo na hindi niya pipigilan ang mga tao na lumabas sa mga lansangan at matutuwa pa siya kapag sinimulan nila ang “himagsikan” upang magkaroon ng pagbabago sa pamahalaan.
“You want to war against government? Go ahead. I am encouraging you to take to the street… Himagsikan is uprising. If you want that, go ahead. You have my blessing. Nobody will stop you in the streets,” aniya sa press conference sa Malacañang nitong Lunes ng gabi.
Idiniin ni Duterte na wala siyang pakialam kung mawalan ng tiwala sa kanya ang mga tao, at hindi siya nag-iilusyon na manatili sa puwesto.
“Wala akong illusions diyan about staying for five years…We can only agree on what is right and legal. I do not care if you lose your trust in me. I can stay as President for one year, I can go after two years,” aniya.
Inuulan ng batikos ang gobyernong Duterte sa pagtaas ng bilang ng mga namamatay at diumano’y mga pang-aabuso kaugnay sa kampanya ng administrasyon laban sa illegal na droga.
Lalong nagalit ang publiko sa brutal na pagkamatay ng isang 17-anyos na high student sa anti-drug operations ng pulisya nitong nakaraang linggo. Ilang grupo ang nagpasimuno ng mga kilos protesta na kumokondena sa pagkamatay ni Kian Loyd Delos Santos at sa kawalan ng pananagutan at karahasan sa bansa.
Gayunman, hindi pa rin natitinag ang Pangulo sa mga kilos protesta, sinabing magkakaloob pa siya ng transportasyon sa mga nagproprotesta.
Sa kabila nito, nagbabala ang Pangulo sa mga nagpoprotesta na huwag gumamit ng dahas.
“Let’s have an upheaval but since I am in government, magkalaban talaga tayo,” aniya. “If you take violence as your option, I said go ahead, and let us find out.”
Sa harap ng maraming retiradong heneral ng militar sa gobyerno, muli ring idiniin ni Duterte na hindi nila kailangang magkudeta para patalsikin siya sa puwesto dahil kusa niya itong lilisanin.
“Tapusin na natin itong istorya. Uprising, go ahead. Please go ahead. Lahat ng Pilipino hindi naniwala sa pulis nila o ayaw maniwala sa akin, go ahead. You have my blessing,” aniya.