Ni: Mary Ann Santiago
Tinawag muna bago pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang armado ang dating overseas Filipino worker (OFW) habang nagtitinda sa tapat ng bahay nito sa Tondo, Maynila kamakalawa.
Dead on the spot si Marellen Bequilla, 49, ng Area B, Gate 10, Parola Compound sa Tondo, nang barilin sa ulo at iba pang bahagi ng katawan ng tumakas na suspek.
Ayon kay SPO2 Donald Panaligan, imbestigador ng Manila Police District (MPD)- Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), naganap ang pamamaril habang nagtitinda ng ulam ang biktima sa tapat mismo ng kanyang bahay, bandang 2:00 ng hapon kamakalawa.
Tinawag pa umano ng suspek ang biktima at paglingon nito ay pinaputukan sa ulo at iba pang bahagi ng katawan.
Patuloy na inaalam ang pagkakakilanlan ng suspek at ang motibo nito sa pamamaril.