Ni Beth D. Camia

KINUMPIRMA kahapon ng Department of Tourism (DOT) na sa Pilipinas gagawin ang rematch nina Senador Manny “Pacman” Pacquiao at Australyanong si Jeff Horn.

Ayon kay Tourism Assistant Secretary Ricky Alegre, nagtungo sa DOT kaninang umaga si Congressman Eric Pineda ng 1-Pacman Partylist at business manager ni Pacquiao at kinausap si Secretary Wanda Teo.

Sinabi umano ni Pineda na ang rematch nina Pacquiao at Horn ay gagawin sa December 15 sa Philippine Arena sa Bulacan.

Another gold! Hidilyn Diaz, isa nang guro sa UP Diliman

Hiningi umano ni Pineda ang suporta ng DOT at positibong tumugon si Secretary Teo.

Kaugnay nito, maghahanda umano ang DOT ng mga tourism packages para sa mga manonood ng laban ni Pacquiao lalu pa’t nagkataong ito ay idaraos sa Disyembre kung kailan maraming mga kababayan natin ang nagbabalik-bayan para makasama ang pamilya sa pagdiriwang ng Kapaskuhan.

Sinabi ni Alegre na nagagalak ang DOT na dito sa Pilipinas gagawin ang laban ni Pacquiao dahil tiyak na makakaengganyo ito ng mga turista sa ating bansa.

Unang nagharap sina Pacquiao at Horn sa Australia nitong July 2 kung saan surpresang nanalo sa pamamagitan ng unanimous decision si Horn.