NI: Manny Villar
Sa pagsisimula ko bilang isang entrepreneur, naging ambisyon ko ang makapagtayo ng pinakamaraming bilang ng tahanan sa Pilipinas. Pagkatapos ng una kong tagumpay sa negosyong ito noong 1975, naisip ko na tadhana ko marahil na magtayo ng tahanan para sa ibang tao.
Isinulong ko ang pangarap na ito sa maraming taon at ngayon, ang kumpanyang aking itinatag ang pinakamalaking kumpanya sa pabahay sa bansa. Noong 2016, ito ay may kabuuang revenue na P31 bilyon, at ang mga proyekto ay nakalatag sa 125 lungsod at munisipalidad sa 45 lalawigan.
Ngunit hindi ako ang tao na magpapahinga na lamang sa aking mga tagumpay. Nananatili ang aking sigasig, at patuloy akong nangangarap. Kaya, pagkatapos magtayo ng pinakamaraming bilang ng bahay, ipinasya kong palawakin ang aking pangarap para magtatag naman ng “communicities.”
Ang “communicity” ay hindi lamang hilera ng mga bahay kundi kumbinasyon ito ng mga pamilihan, paaralan, mga pasilidad pang-kalusugan, at libangan at iba pang pangangailangan ng isang komunidad. Napagtanto ko na hindi lamang silungan ang kailangan ng tao kundi isang tirahan upang masiyahan sa pamumuhay.
Mahalagang bahagi ng aking pananaw ukol sa “communicities” ay ang pagtatayo ng mga simbahan. Mula noong 2010, nakapagtayo na ako ng mga simbahan sa mga lupang pag-aari ng aking kumpanya. Ang apat na kumpleto ay nasa mga lungsod ng: Antipolo, Iloilo, Cagayan de Oro at Las Piñas.
Ang pagtatayo ng mga simbahan ay tumutugon sa pangangailangan ng mga Pilipino, na may malalim na paniniwala sa relihiyon. Ang simbahan ay isang tanging dako na maaaring puntahan ng mga naghahanap ng kanlungan, pagpapagaling at kapanatagan na hindi matatagpuan sa pinakamarangyang mansiyon.
Itinayo namin ang Santuario de San Ezekiel Moreno Las Piñas City, na may 726 na upuan, sa karangalan ng paring Augustinian mula sa España na naging kura paroko sa Las Piñas noong 1876 hanggang 1879. Ipinagmamalaki ko ang simbahang ito hindi lamang dahil sa disenyong Spanish Baroque ng arkitektong si Claude Edwin Andrews, kundi ito ang pinakamalaki at pinakamaganda sa mga simbahan na aming naitayo.
Maluwag at maaliwalas ang loob ng simbahan dahil walang mga poste na nakahahadlang sa paningin ng mga nagsisimba. Ang loob nito ay ginawa ng arkitektong si Joey Amistoso, na siya ring gumawa ng altar na may mga imahe ng San Ezekiel at San Jose.
Itinayo rin namin ang Saint Pio Church sa Savannah City sa Lungsod ng Iloilo, na siyang pangunahing proyekto namin sa Kabisayaan. Ang patron nito ay ang St. Pio ng Pietrelcina, na nakilalang nakagawa ng 1,000 mahimalang... paggaling.
Ang mga naitayo naming simbahan at ang mga itatayo pa ay bahagi ng corporate social responsibility (CSR) ng Vistaland. Naniniwala kami na ang pagtatayo ng “communicities” at paglalaan ng mga bahay-sambahan ay pinakamabuting panimula sa ganitong adhikain.
Ito rin ang prinsipyong naging gabay namin sa pagtatayo ng dalawa pang simbahan: ang San Vicente Ferrer Church, na may 250 upuan at nasa gitna ng limang ektaryang Gran Europa sa Lumbia, Cagayan de Oro, at ang Sacred Heart of Jesus Chapel sa Maia Alta sa Antipolo, Rizal.
Nais kong malaman ng lahat: nakapagtayo na ako ng mga tahanan para sa mga nabubuhay at sa mga pumanaw (ang aming mga memorial park) ngunit iba ang pakiramdam kapag nakapagtayo ng simbahan. Ito ang pansarili kong pasasalamat sa mga biyayang aking natamo, at pasasalamat sa aking mga kababayan na nagtiwala sa akin sa maraming taon.
(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph)