NI: Ric Valmonte
“NAPAIYAK na lang ako nang ibalita sa akin ng aking anak na babae sa Facebook na napatay ang aking anak,” sabi ni Gng. Lorenza delos Santos.
Ang anak na tinutukoy niya ay si Kian Loyd delos Santos na binaril ng mga pulis noong Miyerkules ng gabi sa “One time, Big time” operation sa Barangay 160, Caloocan City.
Nang mabalitaan niya ito, kaagad siyang umuwi mula sa Saudi Arabia kung saan tatlong taon na siyang nagtatrabaho bilang domestic helper. Aniya, noong gabi bago mapatay si Kian, nag-usap sila sa Facebook PM at sinabi nitong ang mga kaklase raw nito ay may bike at gusto rin nitong magkaroon nun. Pinaghintay niya raw ng sampung araw ang anak at excited ito.
Tatlong taon na raw niyang hindi nakikita ang anak para makita lang ngayon na wala nang buhay.
Ayon kay Lorenza, nag-alok ng tulong legal at pinansiyal ang Iglesia Ni Kristo. “Gaya namin,” wika niya, “nais nilang malaman kung bakit pinapatay ng gobyerno ang mga dukha at inosenteng mamamayan.”
Batay sa deklarasyon ng mga nakasaksi sa pangyayari, hinuli ng mga pulis si Kian, kinaladkad habang minamaltrato.
Inatasan nila ang bata na paputukin ang ibinigay nilang baril dito tsaka tumakbo. Tumakbo na lang si Kian, pero pinagbabaril ito ng mga pulis.
Courier ang bata ng pinaghahanap nilang nagbebenta ng droga, ayon naman sa mga pulis. Nanlaban daw ito, kaya nila binaril.
Napatay si Kian noong Miyerkules ng gabi. Sa magdamag ng Martes ay 21 drug suspect ang napatay ng mga pulis sa magkakahiwalay na operasyon sa Bulacan. Nang sumunod na araw, 25 ang napatay sa... loob ng 24 na oras ng magkakahiwalay na anti-crime operation sa iba’t ibang bahagi ng Maynila.
Hindi ko na makita ang pagkakaiba ng mga taong ito sa mahigit 60,000 manok na pinatay dahil sa bird flu sa Pampanga.
Kaya, matindi ang panawagan naming mga human rights lawyer at advocate, kahit nilalait kami ni Pangulong Digong, na igalang ang karapatang pantao lalo na sa kanyang war on drugs.
Hindi ako magsasawang ulit-ulitin ang naisulat ko na rito na ang karapatang pantao ang manipis na linyang naghihiwalay sa tao at hayop, sa sibilisadong lipunan at sa gubat. Burahin mo ang linyang ito, na ginagawa ngayon ng mga pulis sa kanilang mga madugong operasyon laban sa droga, at wala nang pagkakaiba ang tao sa hayop at ang sibilisadong lipunan sa gubat.
Ang dapat itanong ni Lorenza kay Pangulong Digong: Bakit inihalintulad ninyo ang aking anak sa manok?