NI: Gilbert Espeña
HANDA sa kanyang pagbabalik si two-time world title challenger “King” Arthur Villanueva laban kay four-time world title challenger Richie Mepranum sa Setyembre 16 sa Cebu City.
Ito ang unang pagsabak ni Villanueva matapos ang kanyang pagkatalo kay South African Zolani Tete noong nakaraang Abril 22 sa Leicester, United Kingdom para sa interim WBO world bantamweight title.
Naging lubos na kampeon si Tete nang mawalan ng korona si dating WBO bantamweight titlist Marlon Tapales ng Pilipinas nang mag-overweight sa kanyang depensa ng korona kaya umakyat na ng timbang at kasalukuyang No. 3 contender kay WBO super bantamweight champion Jessie Magdaleno ng United States.
Nakalista pa rin si Villanueva bilang No. 13 challenger kay bagong WBC bantamweight champion Luis Nery ng Mexico kaya kailangang magwagi si Villanueva kay Mepranum para magkaroon ng pagkakataon sa kampeonatong pandaigdig.
Naging kampeon si Mepranum ng hindi kilalang World Boxing Union sa super flyweight division pero natalo siya kina Nery at ex-WBC super flyweight champion Carlos Cudras sa mga sagupaan sa Mexico sa kanyang dalawang huling laban.
Magsisilbing undercard ang laban ni Villanueva sa unification bout ni IBF light flyweight titlist Milan Melindo kay IBO junior flyweight champion Hekkie Budler ng South Africa.
May rekord si Mepranum na 31-6-1, may walong panalo sa knockouts samantalang si Villanueva ay may kartadang 30-2-0, tampok ang 16 knockouts.