NI: Light A. Nolasco

SCIENCE CITY OF MUÑOZ, Nueva Ecija - Tinangay ng apat na armado ang trailer truck, na kargado ng may 1,000 sako ng mais na pag-aari ng isang alkalde, sa Barangay Licaong, Science City of Muñoz sa Nueva Ecija, nitong Sabado ng umaga.

Sa salaysay nina Rocky Pagatpatan Baggay, 30, truck driver, residente ng Bgy. Liwanag; at Celomar Balete Gaoilan, 40, helper, ng Bgy. Camasi, nangyari ang hijacking bandang 1:56 ng umaga.

Una rito, ipinarada umano ni Baggay ang truck, lulan ang may 51,570 tonelada ng mais na pag-aari ni Tumauini Mayor Arnold S. Bautista, sa gilid ng Maharlika Highway nang bigla silang lapitan ng dalawang armado at iginapos ang mga kamay at paa.

Probinsya

Mag-inang menor-edad, natagpuang nabubulok na bangkay sa loob ng sariling bahay

Sinabi umano ng isa sa mga suspek: “Huwag kayong sisigaw, huwag kayong lilingon, babarilin ko kayo! Wala kayong kasalanan, ang amo n’yo ang may kasalanan!”

Minaneho ng isa ang truck hanggang sa ilipat ang mga biktima sa van lulan ang apat pang armado, bago inabandona sa Bgy. Salvacion sa Rosales, Pangasinan.

Tinangay din ng mga kawatan mula sa mga biktima ang cell phone, wallet, lisensiya, mga ID at P17,925 cash.

Sinabi umano ng isa sa mga suspek na ang motibo ng pag-hijack ay dahil sa kasalanan ng may-ari ng truck.