Ni: PNA
PALALAKASIN pa ang kakayahan ng Philippine Navy na humuli ng mga hindi awtorisadong pumasok sa karagatan ng Pilipinas sa handog ng Amerika na tethered aerostat radar system (TARS).
Ayon kay Navy spokesperson Capt. Lued Lincuna, ang TARS ang kauna-unahang self-sustained unmanned lighter-than-air system ng Philippine Navy na makatutulong upang paigtingin ang kakayahan ng huli sa pagmamanman sa mga hindi kanais-nais na kilos sa karagatan ng bansa.
Makatutulong umano ang TARS sa Navy upang higit na masubaybayan ng huli ang kilos at air traffic sa loob ng karagatan gamit ang mga sensors nito, dagdag niya.
Bukod sa proteksiyon laban sa mga nanghihimasok sa karagatan ng bansa, magagamit din umano ang TARS upang makatulong sa mga tao at rumesponde sa mga kalamidad.
Ayon pa kay Lincuna, ang TARS umano ay may sariling weather station na magbibigay ng telemetry data sa mga istasyon sa lupa upang masubaybayan ang ambient temperature, pressure, wind speed at iba pang parameters na may kinalaman sa operasyon ng nasabing sistema.
Ang nasabing radar system ay pormal na ibibigay ng gobyerno ng Amerika sa Philippine Navy sa maikling seremonya sa Naval Education and Training Command sa San Antonio, Zambales ngayong Martes.
Ang nasabing seremonya ay pangungunahan nina US Deputy Embassy Chief of Mission to the Philippines Michael Klescheski at Philippine Navy flag-officer-in-command Vice Admiral Joseph Ronald S. Mercado.
Inihayag kamakailan ni Department of National Defense Secretary Delfin Lorenzana na nais niyang paramihin ang modern radar system ng bansa upang mapabuti umano ang kapasidad nito sa pagmamanman sa ating karagatan.
Ang nasabing kapasidad ay higit na kakailanganin sa mga karagatan ng Sulu at Celebes, na nanganganib dahil sa banta ng pandarambong at pangingidnap ng mga Abu Sayyaf at iba pang grupo na may sariling batas, at ang silangang baybayin ng bansa kung saan maraming insidente ng panghihimasok na walang pahintulot.
Plano rin umano ni Lorenzana na magkaroon ng modern radars ang ikalawang kaligiran ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Modernization Program.
Ang maritime domain situational awareness ay tumutukoy sa kakayahan upang mahuli, at kung kinakailangan, ay magtaboy ng mga pumapasok na sasakyang pandagat, nang walang pahintulot, sa mga karagatang pagmamay-ari ng bansa.
Ang AFP Modernization Program ay nahahati sa tatlong kaligiran, ang una ay nagsimula noong 2013 na nagtapos ngayong 2017, ang ikalawa ay sa 2018-2022 at ang ikatlo ay sa 2023-2028.