DALAWANG bagay ang nabunyag sa imbestigasyon ng Kongreso sa pagkakasamsam noong Mayo ng 600 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.4 bilyon sa dalawang bodega sa Valenzuela City matapos na makalusot ang mga ito sa Bureau of Customs.
Una ay ang kurapsiyon na nagpapahintulot upang maipuslit sa Customs ang mga kargamento nang hindi na iniinspeksiyon at ang sisyema ng “tara” o suhol na umano’y ibinibigay ng mga importer upang mapabilis ang paglalabas ng kanilang mga kargamento.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Martes, sa una ay tumanggi si Customs Commissioner Nicanor Faeldon na sagutin ang ilang direktang katanungan ni Senator Antonio Trillanes IV. Gayunman, matapos balaan ng chairman ng komite na si Sen. Richard Gordon ay inamin niyang batid niya ang tungkol sa sistema ng “tara” ngunit hindi siya maaaring maglunsad ng imbestigasyon laban dito nang nag-iisa. Sinabi niyang ang mga katrabaho niya sa kawanihan “are the people I suspect to do all this ‘tara’, so how can I designate them to conduct the investigation?”
Matagal nang problema ang kurapsiyon sa Bureau of Customs, ngunit tiyak na hindi lamang ito sa kawanihan nangyayari.
Ang halagang sangkot, na aabot sa daan-daang libong piso, ay masasabing kakarampot kung ikukumpara sa milyun-milyong pisong halaga ng kasong plunder na naihain na laban sa ilang opisyal, kabilang ang mga miyembro ng Kongreso.
Ang mas malaking usapin na lumutang sa isinasagawang imbestigasyon ng mga mambabatas ay ang napakalaking bulto ng droga na nagawang maipasok sa bansa, hindi sa karaniwang paraan ng smuggling, kundi sa pamamagitan ng Bureau of Customs.
Sa kaparehong araw na tumestigo si Commissioner Faeldon sa Senado, nagkasa naman ang pulisya sa Bulacan ng malawakang kampanya laban sa mga hinihinalang sangkot sa droga. Pumatay sila ng may kabuuang 21 lalaki na ayon sa kanila ay nanlaban sa pagdakip ng mga pulis sa 12 bayan at lungsod sa Bulacan sa loob lamang ng siyam na oras. Kabilang sa mga napaslang ang dalawang lalaki sa Obando na nakumpiskahan ng 50 gramo ng shabu; habang ang isa pa sa Balagtas na may tatlong gramo. Sa pagtatapos ng magdamagang operasyon, sinabi ng pulisya na aabot sa 100 gramo ng droga ang kabuuan ng nasamsam nila.
Lubhang kakapiranggot ang 100 gramo ng shabu kung ikukumpara sa 600 kilo — o 600,000 gramo — na naipuslit sa Customs at nadiskubre lamang sa isang raid sa Valenzuela City. At gaano karami pang kontrabandong gaya nito ang nagawang makalusot sa lahat ng harang upang mapatindi pa ang pagiging talamak ng droga sa buong bansa?
Naisampa na ang mga kaso laban sa mga importer at broker na sangkot sa pagkakapuslit ng 600,000 gramo ng shabu na nasamsam sa Valenzuela City. Sa ibang panig ng bansa, posibleng mayroong daan-daang libong gramo pa ng droga ang nakalusot sa Customs. Ilan pang buhay ng mga adik ang masisira ng mga kontrabandong ito, at ilan pang buhay ang mawawala sa tuluy-tuloy na kampanya ng pulisya bago tuluyang matuldukan ang banta ng droga sa ating bansa?