Ni Reggee Bonoan
SI Direk Sigrid Andrea Bernardo ang bukod tanging hindi dumaan sa scriptwriting workshop ni Direk Jun Robles Lana dahil protégé siya ni Lav Diaz, kumpara sa mga kasamahan niyang sina Miko Livelo, Dominic Lim, Ivan Andrew Payawal at Prime Cruz.
Sa launching ng IdeaFirst Company Artist Management, kasama si Sigrid sa limang baguhang direktor na ipinakilalang mina-manage nina Direk Jun at Direk Perci Intalan.
Inamin ng blockbuster director ng Kita Kita na nakausap na niya si Direk Perci bago pa niya ginawa ang pelikula nina Alessandra de Rossi at Empoy Marquez para sa career plan, kaya nu’ng may mag-alok din sa kanya na i-manage siya ay nagsabi siyang may kausap na siya.
Ang IdeaFirst Company din ang gumastos ng presscon ng Ang Huling Cha Cha ni Anita nu’ng muli itong ipalabas sa sinehan nitong Hunyo 2017 pagkatapos ng CineFilipino Film Festival noong 2013.
Nang tanungin kung ano ang masasabi niya na natalo na ng Kita Kita ang Heneral Luna bilang highest grossing indie movie: “Hindi naman namin din naming ini-expect ‘yun. Siguro maski hindi ako ang nagdirek ng Kita Kita gusto ko pa ring suportahan and iba ‘yung love team at gusto ko sana na masuportahan ‘yung mga ganitong kuwento para may variation naman.
“Ang magandang nangyari siguro ngayon, ‘yung big production houses nagkakaroon na ng tiwala sa indie directors na baka may iba silang ideas ‘tapos ‘pag pumasok sila sa mainstream, mas nabibigyan ng creative control,” pahayag ni Sigrid.
Nabanggit ang creative control kaya tinanong si Direk Sigrid kung hindi maaapektuhan ang trabaho niya kapag gumawa siya ng mainstream movie.
Nabanggit din na maraming indie filmmakers ang nadiskaril ang career nang pumasok sa big studio outfits dahil pinakialaman nang husto ang kanilang mga ideya.
“Well, ipaglaban n’yo po ako, ipanalangin n’yo po ako na sana maituloy ko po itong laban na ito. Actually ‘yung Kita Kita medyo test po ito sa akin from Spring Films, meron akong producer and I did not produce my own film. And na-realize ko at the end of the day, kahit na anong cut pa ‘yan, director’s cut, commercial cut, hindi makikita ‘yung pangalan ng iba, eh, ang makikita, pangalan ko pa rin.
“Ang tagal na nating nagkikita simula Cha Cha, ngayon pa ba ako gi-give up? Kaya as much as possible, gagawin ko talaga ‘yung best ko na ipaglaban ‘yung gusto ko kasi kung hindi, okay lang akong kumain ng tuyo. Kaya maganda rin ang naidulot ng 300 milyon na maski wala sa bulsa ko, eh, may tiwala naman sa akin or maski sa ibang indie directors na papasok na rin sa mainstream,” paliwanag ni Sigrid.
Sa one-on-one interview namin sa kanya, inamin ng lady director na gusto niyang may ibang magsulat sa mga susunod niyang pelikula.
“Sa totoo lang gusto ko may ibang sumulat talaga, kaso wala akong katono sumulat, kung meron lang, please (mag-apply na ). Sa totoo lang, I hate writing, ayoko talagang nagsusulat,” aniya.
Nabanggit namin si Jason Paul Laxamana na siyang nagsulat at nagdirek ng 100 Tula Para Kay Stella na kasalukuyang number one ngayon sa Pista ng Pelikulang Pilipino at ng Love Is Blind (Regal Films) na kumita rin nang husto.
“Hindi ko pa napapanood ‘yung 100 Tula, papanoorin ko pa lang. Willing ako to collaborate, iba pa rin kasi kung katono mo. Pero ang hinihiling ko pa rin, gusto ko, ako pa rin ang may final say dapat kahit iba ang magsulat, sana ako pa rin,” sabi ni Direk Sigrid.
Sa Viva films ang next project ni Sigrid, ang Mr. and Mrs. Cruz na siya rin ang sumulat collaboration with Omar Sortijas (supervising producer ng IdeaFirst Company) at sina Ryza Cenon at JC Santos ang bida.
Aminado siyang pressure sa kanya ngayon ang susunod niyang project dahil kailangang kumita rin ng 300M o higit pa tulad ng Kita Kita na kumabig na ng 320M.
“Pero kung iisipin ko ‘yun, mako-compromise ‘yung gusto ko, kung iisipin ko na kailangang kumita, ano ‘yung ginawa ko sa Kita Kita na dapat gawin ko rin sa susunod? So ang mangyayari, magiging pare-pareho ang gagawin ko.”
Magtataas na ba siya ng talent fee ngayong may blockbuster movie na siya?
“Pumirma na ako ng kontrata bago ang Kita Kita, paano ako magtataas?” natawang sagot ng dalaga.
Ikinuwento ni Sigrid na nagalak siya nang panoorin niya ang Kita Kita sa Trinoma noong opening day dahil puno o iilan lang ang bakanteng upuan.
“Nasa gitna ako naiyak talaga ako kasi pumalakpak pa ang mga tao after. Sabi ko nga, ‘Oh my God’ kaya sabi ko ang saya-saya ko, ‘tapos nagtawagan kami ni Alex (Alessandra de Rossi), sabi ko ang daming nanood, naka-2M, kaya sabi ko kay Alex, blockbuster ito, sabi niya sa akin, ‘Gaga barya lang ‘yun.’ Kasi naman hindi naman ako sanay di ba, ‘yung Cha Cha ni Anita, magkano lang, so akala ko malaki na ‘yung 2M, maliit pala ‘yun.
“‘Tapos second day tinawagan na ako ni Tita Jun (Rufino), sabi niya, ‘Sig, hindi pa tayo blockbuster, pero number one tayo sa takilya ng mga nag-open and then it doubled na’. Sa third day, sabi ko, feeling ko hindi kami mapu-pull out.
Kasi di ba ‘pag indie film, first day, last day? ‘Tapos on the third day, kumikita kami, ang daming tao, nu’ng Saturday and Sunday doon na ako napa-sh*t, 25M in one day, that’s big enough. ‘Tapos naging 200M, naging 300M na, going 350M na, kaya so overwhelming,” kuwento ng indie filmmaker.
In fairness, nabigyan na siya ng bonus ng Spring Films kaya may pambayad na siya ng bills. Parating sinasabi ni Direk Sigrid na mas kailangan niya ng pera kaysa sa award.
“Mas natutuwa po talaga ako kung maraming nanonood ng pelikula kasi ‘yung awards naman hindi ko (magagastos), depende kung may cash prize okay, pero kung wala naman, ano ba ‘yun, pang paper weight. Hindi ko naman magagamit sa totoong buhay, kung may cash prize, excited talaga ako.
“Ang importante po kasi sa akin kapag gumawa ka ng pelikula sana maipalabas ko sa iba at mas maraming makapanood kasi kaya nga ako nagkukuwento kasi gusto ko may iba akong mapagkuwentuhan kaysa sarili ko lang ang kakuwentuhan ko, di ba? Kaya natutuwa ako na mas maraming tao ngayon na willing panoorin ang iba namang mga pelikula.
“Nagugulat din ako sa moviegoers ngayon na maraming nanonood ng indie films ng iba’t ibang kuwento. I think mas excited ako ngayon na ang Philippine Cinema ngayon, eh, buhay na buhay na,” paliwanag ni Sigrid.
Samantala, ang dream na makatrabaho ni Direk Sigrid ay sina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo. So, mala-Popoy and Basha?
“Iba namang kuwento. Gusto ko rin si Daniel Padilla at Liza (Soberano), nagagalingan ako at sana magsama sa movie,” say ng direktora.
Sabi namin, imposibleng magtambal sina Daniel at Liza dahil may sarili silang love team at baka ma-bash siya ng fans kapag hindi ‘yung original love team nila ang kasama nila tulad nina Kathryn Bernardo at Enrique Gil.
“Dito kasi sa Pilipinas, ‘no, kailangan love team talaga, sa ibang bansa it’s really the acting, hindi ‘yung love team. Kung talagang mahal nila ang artista, sana mag-grow as an actor,” katwiran din sa amin.
At pagkatapos ng Japan, sa France naman niya gustong mag-shooting.
“Gusto ko sa France kasi lahat ng tao roon artist maski saan ka lumingon maski mga pulubi roon gumagawa ng art, ‘yung government kasi nila sinusuportahan sila, so lahat ng puntahan mong lugar, more on art. Tungkol sa artist din siguro ang tema ng pelikula ko kapag doon ako nag-shoot. Okay sana rito mag-shoot ng ganu’n ‘kaso wala namang support from the government. Actually nu’ng nagpunta ako roon 2007 nakagawa nga ako ng short film.
“Kaya naiinggit ako sa kanila, sabi ko nga, sana ipinanganak na lang ako ro’n kasi ‘pag artist ka ro’n, ang dami mong trabahong mapapasukan. Para makakain ako, puwede akong tumugtog ng violin, maggitara ako, lahat ganu’n.
“Sana sa Philippines ganu’n din, ang daming artist din dito, ‘yung street art sana gawing ganu’n. ‘Yung mahihirap, imbes na tumambay sana matulad din sa France na lahat alam gawin kasi may support from the government,” mahabang kuwento ni Sigrid.
Naniniwala ba siya na lahat ng artists ay may topak?
“Oo, sabi nga nila isa akong malaking topak especially when I’m singing. But singing doesn’t like me. I also dance a lot,” sabi sa amin.
E, topak nga, ha-ha-ha. Pero kapag nagso-shoot na raw siya ay mabait siya at seryoso at mabait, hindi nagmumura o naninigaw ng artista.