NI: Rommel P. Tabbad
Itinaas na ang public storm warning signal (PSWS) No. 2 sa Batanes habang isinailalim naman sa Signal No. 1 ang Babuyan Group of Islands (BGI) bunsod ng bagyong ‘Isang’.
Sa weather bulletin ng PAGASA, napanatili ng bagyo ang lakas nito habang tumatahak papunta sa kanluran-hilagang kanluran.
Ayon sa PAGASA, huling namataan ang sentro ng Isang sa layong 330 kilometro sa silangan ng Basco, Batanes, taglay ang lakas ng hanging 65 kilometro, at bugsong 80 kilometro kada oras.
Sa pagtaya ng PAGASA, lalabas sa bansa ang bagyo sa Huwebes.
Inalerto rin ng ahensiya ang mga residente ng Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region at ilang bahagi sa Visayas dahil sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa bunsod ng mararanasang malakas na pag-ulan.