NI: Bert de Guzman

HINDI pala ganap na mapupuksa ang illegal drugs sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan, tulad ng ipinangako ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) noong siya ay nangangampanya para sa May 2016 elections. Bilib na bilib ang mga Pinoy noon sa kanya at itinapon sa kangkungan sina Mar Roxas at Grace Poe. Hangang-hanga ang mga botante nang sabihin niyang kapag hindi nasawata ang ilegal na droga sa loob ng 3-4 na buwan, magbibitiw siya bilang pangulo at ibibigay ang puwesto sa pangalawang pangulo. Palakpakan ang taumbayan at binigyan siya ng 16.6 milyong boto.

Ngayon, inaamin ni Mano Digong na siya ay nagkamali sa ibinigay niyang 6-month deadline sa pagpuksa sa illegal drugs.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Akala raw niya ay parang Davao City lang ang problema sa droga sa Pilipinas na kayang lutasin sa loob ng 3-6 na buwan. Ang Davao City daw ang ginamit niyang template o batayan sa problema ng illegal drugs sa bansa. Well, mabuti naman at aminado si PRRD na napakahirap solusyonan ang salot na bawal na gamot. Marahil ay itutuloy niya ang giyera sa droga hanggang sa 2022.

“Alam ko na nagkamali ako. Nagkamali talaga ako. Hindi ko naman talaga akalain, iyang Bureau of Customs na iyan, akala ko kaalyado ko,” pahayag ng machong Presidente. Kamakailan, may P6.4 bilyong halaga ng shabu ang nakalusot sa Customs galing sa China sa pamamagitan ng green o express lane. May hinala ang mga senador na hindi lang 600 kilo ng shabu ang napalusot na sa BoC, kundi higit na maraming kilo ang naipuslit galing sa kaibigang China.

Ilang libong kabataan ang sisirain ang utak ng bultu-bultong shabu na galing sa China, bukod pa sa malalaking drug laboratories na natutuklasan ng awtoridad sa iba’t ibang panig ng bansa, lalo na sa mayayamang subdivision. Tanong:

may naitumba bang drug lords o may-ari ng malalaking drug labs ang mga tauhan ni Gen. Bato? Halos wala, pero halos araw-araw ay may pinapatay na ordinaryong drug pushers at users dahil nanlaban daw ayon sa mga pulis.

Hinihimok ni Vice Pres. Leni Robredo ang mga Pilipino na magpahayag ng galit sa maramihang pagpatay na pinaghihinalaang drug pushers at users. Binanggit niya ang 32 katao na napatay sa Bulacan at ang 25 napatay sa Maynila dahil nanlaban daw sa mga pulis. Naniniwala ba kayong nanlaban ang mga ito? “We are not like that. We have been disgraced by this culture of impunity a long time ago..it should not happen,” dismayadong pahayag ni beautiful Leni nang tanungin hinggil sa pagpatay sa 32 drug suspects sa Bulacan sa loob lang ng 24 oras.

Ayon kay VP Leni, kung may ganitong uri ng pagpatay (maramihan), ipinakikita lang na may mga tao (pulis o riding-in-tandem) na inilalagay sa kanilang kamay ang batas. Samakatuwid, hindi nabibigyan ng due process at hustisya ang mga biktima. Hindi katulad ng mga may-ari ng big shabu labs, cargo shipments, at pinaghihinalaang drug lords, na hinuhuli, dinadala sa Senado at Kamara at sinisiyasat, hindi agad binabaril gaya ng mga ordnaryong nakatsinelas na tulak at adik.

May mga impeachment complaint... na nakahain laban kina VP Leni at SC Chief Justice Ma. Lourdes Sereno sa Kamara.

Gayunman, habang isinusulat ko ito, wala isa mang kongresista ang nagtatangkang iendorso ang naturang impeachment complaints laban sa dalawa. May nagnanais ding ipagharap ng reklamo si Ombudsman Conchita Carpio-Morales. Sige lang, sabi ng may “balls” na Ombudsman.

Bakit hindi asikasuhin ng mga mambabatas ang paggawa ng mga batas na makabubuti sa mga mamamayang Pilipino? Itakwil na nila ang PDAF o pork barrel na sa paniniwala ni Sen. Panfilo Lacson ay nakasingit pa rin sa 2018 national budget.

Hinihintay din ng taumbayan na tumayo kayo, manindigan at huwag matakot sa Pangulo, lalo na kung ang paninindigan ninyo ay para sa bayan at hindi pansarili lamang. Hindi marahil magagalit si Pres. Rody kung gagabayan ninyo siya upang siya ay maging matagumpay sa pagtimon sa gobyerno hanggang 2022!