Ni REY BANCOD

KUALA LUMPUR – Sariling diskarte at modernong pagsasanay ang pinagisa ni Mary Joy Tabal para makamit ang minimithing tagumpay at tanghaling premier marathon runner sa rehiyon.

Ayon sa 28-anyos reigning Southeast Asian Games marathon champion, nagsimula siya sa ‘sprint’ bago sumabak sa long-distance running nang tumuntong siya sa kolehiyo.

“Nagsimula po ako na sprinter noong elementary. Mahilig kasi po ako makipag-karerahan nung bata ako,” sambit ni Tabal, ipinagmamalaking talento ng Cebu.

Human-Interest

Mag-asawang hindi nakapagtapos ng pag-aaral, pinagtapos naman ang 9 na anak!

Tulad nang ibang atleta, naging kompetitibo si Tabal sa paglahok sa mga torneo kabilang ang Batang Pinoy.

Ngunit, tumigil siya nang mag-high school.

“Nag concentrate po ako sa pag-aaral, pero bumalik ako sa pagtakbo para makapasok sa college,” pahayag ni Tabal, nagtapos ng commerce major in business management sa Southwestern University.

Nasa ikatlong taon siya sa SU nang makumbinsi siya ni John Philip Duenas na subukan ang long-distance running. Doon nagsimula ang kanilang tambalan bilang kanyang coach-trainer.

“Anong gagawin ko daw pagkatapos ng college. Sa marathon, marami daw akong events na masasalihan,” pagbabalik gunita ni Tabal.

Sa edad na 22, sumabak siya sa 1,500 meters, 5,000 meters at 10,000 meters.

Taong 2011 nang sumali siya sa MILO Marathon kung saan tumapos siyang pangatlo. Matapos ang isang taon, tuluyan siyang naging kampeon – hindi lang isa bagkus apat na sunod na pagkakataon.

Ang kanyang napagwagihan sa kompetisyon ang kanyang ginamit para mapag-aral ang mga kapatid. At sa tulong ng mga sponsors tulad nina y Jonel Borromeo ng Cebu-based MotorAce Kawasaki, nagawang makalahok ni Tabal sa abroad.

Naging ‘Sports Godfather’ din niya si PSC commissioner Ramon Fernandez. Sa ayuda ng dating PBA star, nabigyan si Tabal ng P2.5 milyon para makapagsanay at lumahok sa torneo sa abroad.

Ayon kay Duenas, hindi siya nahirapan na sanayin si Tabal dahil sa likas nitong talento.

“Kailangan, relax ang shoulders mo sa marathon, unlike sa sprint,” payo niya noon kay Tabal.

Sa Italy, tatlong buwan siyang nagsanay sa pangangasiwa ni Italian coach Giuseppe Giambrone.

Sunod na target niya ang Asian Games sa Indonesia sa 2018, gayundin ang 2020 Tokyo Olympics.