LINGGO noon, Hulyo 30, nang bigyan ng deadline ni Philippine National Police (PNP) chief, Director General Ronald “Bato” dela Rosa, ang kanyang mga regional director sa bansa. Ipinag-utos niyang tuluyan nang tuldukan ang jueteng sa loob ng 15 araw, at kung mabibigo sila ay awtomatiko silang sisibakin sa puwesto.
Lumampas na ang palugit at wala pa ring ulat kung nakatupad ba ang sinumang opisyal ng pulisya sa nasabing direktiba.
Malaki ang posibilidad na gaya pa rin ng dati ang lahat, dahil lubhang imposible ang itinakdang deadline, lalo na kung babalikan ang kasaysayan ng jueteng sa bansang ito.
Patok ang tsambahan sa numerong ito para sa mahihirap dahil maaaring tumaya sa dalawang numero hanggang sa 40 sa pinakamaliit na P5 sa tsansang mapapanalunan ang premyo sa araw na iyon. Wala silang panggastos sa casino; sa halip, isang pulutong ng mga kubrador ang nagbabahay-bahay sa mga barrio at barangay upang makalikom ng daan-daang maliliit na taya ng mga maralitang sumusugal sa sariling suwerte—tinatayaan ang mga numerong minsan ay napanaginipan lamang nila nang nakalipas na gabi.
Ngunit ang maliliit na taya mula sa napakaraming maralita ay aabot sa malaking halaga kung susumahin. Sa taya ni Sen. Panfilo Lacson, chairman ng Senate Games and Amusement Committee, aabot ang arawang koleksiyon sa jueteng sa bansa sa P267 milyon—o P96 bilyon kada taon.
Sa pamamagitan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), tinangka ng gobyerno na isailalim sa pangangasiwa at kontrol ng pamahalaan ang malaking negosyong ito sa pamamagitan ng programang Small-Time Lottery (STL). Gayunman, nagawa pa rin ng mga promoter ng jueteng na ipagpatuloy ang pamamayagpag ng kanilang operasyon, at ginamit pa ang STL bilang front.
Ibinunyag ni Lacson na noong maging hepe siya ng pulisya sa Laguna taong 1992, inalok siya ng buwanang P1.2 milyon.
Iba pa ang presyo sa mga lokal na pamahalaan at mga opisyal ng pulisya, aniya. At lubhang maliit lamang ang operasyon ng jueteng sa Laguna kumpara sa Pangasinan, Pampanga, at Isabela.
Kapuri-puri ang hangaring mapatigil ang ilegal na sugal ngunit hindi pa natutukoy ang paraan upang maisakatuparan ito. Sinabi ng senador na nagsasagawa siya ng mga public hearing para sa kanyang panukala, ang Senate Bill 1470 na layuning mapalakas ang PCSO at higit na mapanagot ito sa publiko.
Aniya, nabigo ang programang STL na palitan ang jueteng. Napanatili ng mga operator ng huli ang pagkahumaling dito ng daan-daang libong mahihirap na mananaya ng jueteng sa bansa. Nakatulong marahil ang itinakdang deadline sa mga regional director ng PNP, ngunit hindi ito sapat. Posibleng ang kinakailangan ay isang pangkalahatang solusyon—panlipunan at pangkultura, gayundin ang legal at penal.