Ni NORA CALDERON

NINETEEN years na pala sa showbiz si Heart Evangelista at na-touch siya nang bago magsimula ang grand presscon ng unang Filipino-Korean romantic-comedy series sa GMA-7, ang My Korean Jagiya, ay ipinakita muna ang isang video tampok ang pagsisimula niya sa Kapuso Network at kinikilala siya bilang kanilang Jagiya or darling.

Ang rom-com ay nag-taping sa Seoul, South Korea at collaboration ng Korean at Filipino actors. Ngayong gabi na ang premiere telecast nila, pagkatapos ng Mulawin vs Ravena.

Heart at Alexander
Heart at Alexander
Naniniwala si Heart na magugustuhan ng Pinoy fans na mahilig ng anything about Korea, mula sa music, koreanovela at marami sa kanila ay bumibisita talaga sa naturang bansa para makita ang mga paborito nilang Korean actors at singers pati na ang magagandang lugar na setting ng mga TV series.

Tsika at Intriga

'Magkagalit sila?' Dennis, Ruru 'di raw nagpansinan sa set ng 'Green Bones'

“Kaya ang aming rom-com ay dedicated sa kanila,” sabi ni Heart nang magkuwento tungkol sa bago niyang project. “Ako rito si Gia from Guadalupe Immaculada Concepcion na Korean grade school teacher na avid fan din ng K-dramas. Mga old maids ang family ko na nakatira sa isang compound at ako na raw ang susunod na old maid sa family. Pero may boyfriend ako for five years na, si Ryan Alba (Edgar Allan Guzman) na akala ko ay magpu-propose na sa akin, pero hindi nangyari.

“Big fan ako noon ni Kim Jun Ho (Alexander Lee) at gustung-gusto ko siyang makita nang personal kaso bigla siyang nawala sa limelight at the height of his career, hindi ko alam kung ano ang nangyari sa kanya.

“Then saka naman ako nabigyan ng scholarship training sa Korea. Kaya pagdating ko roon, makikita akong namasyal sa mga lugar kung saan kinunan ang mga koreanovelang My Love From The Sky, Winter Sonata, Kim Sam Soon, Jewel In the Palace at iba pang koreanovela na naipalabas na rin dito sa atin. Hinahanap ko si Jun Ho, pero hindi ko siya nakita kaya umuwi ako ng Pilipinas na disappointed. Iyon pala narito sa Pilipinas si Jun Ho na hinahanap ang Filipina girlfriend niyang si Cindy (Valeen Montenegro).

“Isang araw, may nakita akong lasing na lalaki na binubugbog ng mga goons, tinulungan ko siya at iniuwi sa bahay ko, ang gulat ko nang makilala kong si Jun Ho pala siya. Hanggang doon na lang muna ang kuwento ko, marami kasing pangyayari na tiyak na magugustuhan ng mga manonood at maraming makaka-relate sa story nina Gia at Jun Ho.”

Very professional daw katrabaho sina Xander at iba pang Korean actors na sina David Kim, Michelle Oh at Jerry Lee. Very nice, very polite at never nilang narinig na nagreklamo ang mga ito kahit ilang oras na silang nagti-taping.

“Si Xander may pusong Pinoy, very hardworking at may very good working relationship kami, nag-aaral siya ng Tagalog at he appreciates Pinoy hospitalities.”

Ayaw nang patulan ni Heart ang intriga na pera raw ni Sen. Chiz Escudero na kinita noong nakaraang eleksiyon ang ipinagpatayo niya ng bahay niya sa New Manila. May pre-nuptial agreement daw sila ng asawa kaya wala silang pakialaman sa kinikita ng bawat isa. Hinamon pa niya ang nang-iintriga na i-check ang kanyang income mula sa showbiz at sa kanyang paintings. Pagdating daw sa everyday expenses nila, hati silang mag-asawa.

Pagdating naman sa pagkakaroon ng baby, nangako si Heart na after ng My Korean Jagiya, magpu-focus na silang mag-asawa sa paggawa ng baby.