Ni: LYKA MANALO

ANG maliputo ay isdang tabang na tanging sa Lawa ng Taal lamang nahuhuli, at para sa mga taga-San Nicolas, Batangas, malaking biyaya ito ng Maykapal sa kanila.

Bilang pagpapakita ng kagalakan sa biyayang ito, binuo ng pamahalaang lokal ang Maliputo Festival na pinakatampok ang Maliputo Cooking Contest na isinasagawa tuwing ika-9 ng Agosto.

IMG_3810

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Kasabay ito ng Foundation Day ng San Nicolas na ngayon ay nagdiwang ng ika-62 taon ng pagkatatag bilang bayan.

Sumasali sa paligsahan ang mga barangay na may kani-kaniyang recipe sa iba’t ibang putahe ng maliputo.

Libreng natikman ng mga tao ang mga putaheng itinampok ngayong taon tulad ng Maliputo With Clam Sauce, Kinunot na Maliputo, Maliputo Cooked in Butter Sauce, Maliputo Korean Barbeque, Maliputo Curry, Maliputo Cordon Bleu with Ham and Cheese, Maliputo Salad, Maliputo ala Livornese, Mestisang Maliputo, Maliputo Fish Fillet with Sweet and Sour at Maliputo in Teriyaki Sauce.

Ayon kay San Nicolas Mayor William Enriquez, bilang pamayanan ng mga mangingisda, mahalaga sa kanila ang maliputo na mas gusto nilang ibenta sa halip na kainin dahil sa mataas na presyo nito sa merkado – umaabot ng P600-700 kada isang kilo.

Dahil seasonal lamang ang maliputo, hindi ito makikita sa ordinaryong pamilihan at bihira lamang ang nagtitinda.

“Nakapahiwaga po nitong isdang maliputo, hindi sila mahuhuli kung kelan mo gusto, lumalabas lamang sila sa panahon ng summer at tahimik ang lawa,” sabi ni Mayor Enriquez.

Ang pangunahing pagkain ng maliputo ay ang isdang Tawilis na tanging sa Taal Lake din lamang nahuhuli. Tuwing summer din lumalabas ang maraming tawilis.

Ang maliputo ay dinarayo pa ng mga kilalang pulitiko sa San Nicolas dahil sa kakaibang sarap nito na bihirang matagpuan sa mga pamilihan. Ibinida pa ng alkalde na may kasaysayan ang naturang isda na makikita sa likuran ng perang limampung piso (P50).

Pangangalaga sa Lawa at Pag-unlad ng Turismo

Dahil sa bihira ang makahuli ng maliputo, ipinagbabawal sa San Nicolas ang malalaking kompanya na manghuli nito at ang tanging pinapahintulutan lamang ay mga indibidwal na mangingisda.

Ayon sa alkalde, malaking tulong ang pagbibigay ng pamahalaang panlalawigan ng dalawang unit ng sea ambulance upang mabantayan ang nagsasagawa ng illegal na pangingisda sa lawa.

Dagdag pa ng alkalde, dahil sa hiwaga ng maliputo ay dinarayo ang kanilang bayan at ito ang nagiging daan upang matuklasan din ang kagandahan ng San Nicolas na tinaguriang ‘Gate Way to Taal Volcano’.

“Dito po sa San Nicolas makikita ang Lava Walk at ang mismong crater ng Taal Volcano,” ayon pa sa alkalde.

May mga aktibidad pa sa naturang bayan tulad ng pagsakay sa bangka patungo sa malapit sa bulkan at boat activities sa kanilang ilog.

Ang bayan ng San Nicolas ay 5th class municipality na may taunang budget na P72M milyong piso.

Pangunahing hanapbuhay ng mga residente sa San Nicolas ang pangingisda, pag-aalaga ng tilapia sa fish cages, pagtatanim at pangingibang-bansa.

Ipinagmamalaki ni Mayor Enriquez ang katahimikan sa kanilang maliit na bayan na kamakailan ay idineklarang ‘drug cleared’ municipality.

Aniya, mas mainam na sa mga turista na tumigil sa maliit subalit tahimik at payapang bayan kaysa maunlad subalit magulon naman.

[gallery ids="261457,261456,261455,261454,261450,261451,261452,261453"]