ni Gilbert Espeña
LUMIKHA ng kasaysayan ang Amerikanong si Terence Crawford nang patulugin si Julius Indongo ng Namibia sa bigwas sa bodega sa 3rd round upang makuha ang lahat ng titulo sa light welterweight division kahapon sa Pinnacle Bank Arena, Lincoln, Nebraska sa United States.
Napag-isa ni Crawford, matagal nang gustong makalaban si eight-division world titlist Manny Pacquiao ng Pilipinas, ang WBC, WBA, IBF at WBO light welterweight titles.
Napabagsak ni Crawford sa 2nd round at nabilangan pero nakabangaon ang wala ring talong si Indongo. Ngunit pagsapit sa 3rd round, hindi na siya nakabangon sa body shot at nabilangan ni referee Jack Reiss para ideklarang nanalo sa knockout ang Amerikano.
Si Crawford ang kauna-unahang world unified boxing champion sa anumang division mula nang angkinin ni Jermain Taylor ang IBF, WBA, WBC at WBO middleweight titles matapos talunin sa 12-round split decision ang kababayang si Bernard Hopkins noong Hulyo 2005.
Hindi pa tiyak ngayon kung aakyat na si Crawford sa welterweight division para matupad ang pangarap na makaharap sa ibabaw ng ring ang matagal nang hinahamon na si Pacquiao.