Inihayag kahapon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde na personal niyang tututukan ang imbestigasyon sa pagkamatay ng 17-anyos na si Kian Loyd delos Santos sa Caloocan City nitong Miyerkules.

Sinabi ni Albayalde na personal niyang kakausapin ang pamilya ni delos Santos, at tiniyak na hindi niya kukunsintihin ang anumang uri ng police brutality at papanagutin ang mga pulis na sangkot sa insidente sakaling mapatunayang umabuso ang mga ito.

Matatandaang kaagad na ipinag-utos ng NCRPO chief ang pagsibak sa puwesto sa tatlong pulis na sangkot sa insidente, sina PO3 Arnel Oares, PO1s Jeremias Pereda at Jerwin Cruz, at ang hepe nila sa Police Community Precinct (PCP) na si Chief Insp. Amor Cerillo, upang bigyang daan ang imbestigasyon ng Internal Affairs Service (IAS) ng pulisya.

Sabado ng gabi naman nang ipatupad ni Albayalde ang “administrative relief” kay Caloocan City Police chief Senior Supt. Chito Bersaluna, na papalitan ng deputy police chief na si Chief Insp. Illustre Mendoza bilang officer-in-charge.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Mariin namang kinondena ng Migrante International at ng Department of Education (DepEd) ang pagkamatay ni delos Santos, na anak ng isang overseas Filipino worker (OFW) sa Saudi Arabia.

Ayon sa Migrante International, dapat na managot ang pulisya sa pagkamatay ng binatilyo at nakiisa sa pananawagan ng hustisya para rito.

Suportado rin ng DepEd ang pagsasagawa ng patas na imbestigasyon sa pagpatay kay delos Santos, isang Grade 11 student. - Bella Gamotea at Mary Ann Santiago