Tabal (Kuha ni Ali Vicoy)
Tabal (Kuha ni Ali Vicoy)

Ni Rey Bancod

KUALA LUMPUR – Pinagtalunan ang kanyang katayuan sa National Team. At sa kabila ng agam-agam at kontrobersiya, hindi nasira ang diskarte at determinasyon ni Mary Joy Tabal.

Nakamit ng Team Philippines ang unang gintong medalya sa 29th Southeast Asian Games nang dominahin at pakainin ng alikabok ng 28-anyos Rio Olympian ang mga karibal nitong Sabado sa women’s marathon competition.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Nagbubunyi ang mga kababayan na matiyagang sumubaybay sa kanyang pagtakbo nang makalayo si Tabal sa grupo at mag-isang tinahak ang huling bahagi ng karera sa Putrajaya, may 36 kilometro ang layo sa Kuala Lumpur.

Taas ang mga kamay at gumuhit sa pagal na mukha ni Tabal ang ngiti nang tawirin ang finish line sa loob ng dalawang oras, 48 minuto at pitong Segundo.

Kaagad niyang kinuha mula sa team persoonel ang bandila ng bansa at ibinalot sa katawan habang masayang sinalubong ng mga tagasuporta, kabilang na sina Philippine Sports Commission (PSC) commissioner Ramon ‘El Presidente’ Fernandez, na isa sa masugid niyang ‘Godfather’ at Patafa president Philip Ella ‘Popoy’ Juico.

“Nagpapasalamat ako sa lahat ng naniniwala sa akin,” pahayag ni Tabal sa pagitan ng paghikbi at pagluha.

Naging masalimuot ang pagkakasama sa koponan ang Cebu-based na si Tabal nang tumanggi siya sa nais ng Patata na magsanay sa Manila at sa coach ng Patafa.

Kalaunan, pumayag si Tabal sa ilang kagustuhan ng Patafa at kaagad na tumulak patungong Italy para magsanay sa tulong ng PSC at sa ayuda ni Fernandez na kababayan niya sa Cebu.

“Nang palapit na, nararamdaman kong bumibigat ang katawan ko dahil sa sobrang excitement. Mabigat na ang dibdib ko, pero sabi koi to yung sinanay ko sa training,” pahayag ni Tabal.

Umaasa si Tabal na magsisilbing inspirasyon ang kanyang panalo sa iba pang miyembro ng national team na sumasabak sa iba’t ibang sports.

“Ipakita natin na kaya natin, hindi lang sa SEA Games, pati sa mundo, na kaya natin mag-excel,”aniya.

Bumunto kay Tabal si Hoang Thi Thanh ng Vietnam sa malayong 2:55.43, kasunod si 2015 winner Natthaya T. ng Thailand (2:58.17).

Nabigo naman si Jeson Agravante para sa double victory ng bansa nang magtamo ng pulikat at hindi nakatapos ng karera sa men’s division na pinagwagihan ni Guillaume Soh ng Singapore sa tyempong 2:29:27, laban kina Agus Prayogo ng Indonesia at Muhaizar ng Malaysia.

Sa panalo ni Tabal, umusad sa medal standings ang Philippines tangan ang isang ginto, isang silver at dalawang bronze patungo sa unang maaksiyong araw ng SEAG ngayon.