INARESTO ang aktor na lumabas sa isang episode sa Twin Peaks: The Return matapos umano ang tangkang pagpatay nito sa isang babae gamit ang baseball bat.
Ayon sa press release na inilabas ng police department ng Spokane, Washington, rumesponde ang mga pulis sa isang tawag mula sa isang lokal na Spokane business bandang 5:40 ng hapon nitong Miyerkules dahil sa alegasyon. Tinukoy sa tawag na ang aktor na si Jeremy Lindholm — na napanood sa isang eksena ng Part 6 episode ng series bilang si Mickey — na hinahataw ang isang babae gamit ang baseball bat. Nang dumating ang pulisya sa pinangyarihan, tumakas si Lindholm sa likod ng gusali, dala ang baseball bat. Mabilis umanong sumuko ang aktor nang maabutan ng mga pulis sa pasilyo at dinala sa presinto.
Nakuhanan ng surveillance video ng gusali ang insidente at nairekord ang “extremely violent assault perpetrated by Lindholm,” ayon sa inilabas na ulat.Nang makapanayam ng pulisya ang biktima at mga saksi sa krimen, napag-alaman na ang insidente ay “domestic violence related.”
Nang mapanood ang footage, naniwala ang mga opisyal na nanganib nang husto ang biktima. “There was information suggesting the intent of (Lindholm) was to kill the victim,” ayon pa sa ulat.
Sinampahan si Lindholm, 41, sa Spokane County Jail ng kasong attempted murder second degree, second degree assault at iba pa, kabilang ang kasong may kinalaman sa kaibigan ng biktima.
Nagtamo ang biktima ng malubha ngunit hindi nakamamatay na mga sugat at agad dinala ng ambulansiya sa ospital.
Ayon sa TMZ (na naunang nagbalita tungkol sa nangyari), kailangang magbayad si Lindholm ng $100,000 bilang danyos.
“MAM represents Jeremy Lindholm. We have worked with him on bookings for television, film, and commercial projects. We are stunned at the news of his arrest,” pahayag ng talent agent ni Lindholm na si Anne Lillian Mitchell sa People. “Our interaction with him has always been consistently professional. We will monitor the trial. Our thoughts are with all involved and their families.” - People