SI Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Judy Taguiwalo ang ikatlong miyembro ng Gabinete ni Pangulong Duterte na tinanggihan ng Commission on Appointments (CA) nitong Miyerkules, kasunod nina Perfecto Yasay Jr. ng Department of Foreign Affairs, at Gina Lopez ng Department of Environment and Natural Resources.
Ang pagkakatalaga sa kanya’y ibinasura ng CA, na binubuo ng 12 senador at 12 kongresista na inihalal ng bawat kapulungan batay sa patas na representasyon ng mga partido pulitikal. Bahagi ang CA ng sistema ng maayos na pangangasiwa sa gobyerno ng Pilipinas, kung saan malayang makapagbibigay ng ehekutibong pasya ang sangay ng lehislatura sa mga usaping tulad ng pagkakatalaga sa isang miyembro ng Gabinete.
Batay sa record, maayos na ginampanan ni Secretary Taguiwalo ang kanyang tungkulin bilang kalihim ng DSWD. Buong husay niyang tinupad ang kanyang trabaho, kabilang na ang pangangasiwa sa Conditional Cash Transfer program na ang pagpapatupad ng kanyang hinalinhan ay inulan ng puna. Sa kanyang pahayag, sinabi niyang wala siyang nakikitang dahilan upang tanggihan siya ng CA “if it was only a question of competence and integrity.”
May iba pang dahilan ng pagbasura sa kanyang pagkakatalaga. Sinabi niyang naniniwala siya na isa sa mga dahilang ito ay ang pagtanggi niyang maglabas ng pondo para sa ilang proyekto ng mga kongresista na, ayon sa kanya, ay walang kaibahan sa “pork barrel” funds.
Bilang tugon sa katanungan ng mga kasapi ng CA, nanindigan siya sa libreng matrikula sa mga state university, na proyekto ng administrasyon. Subalit tutol siya sa panukalang “tax reform” dahil para sa kanya ay magiging pahirap ito sa mga maralita sa bansa. Pangunahing adbokasiya ito ng gobyerno.
Isa rin siya sa tatlong miyembro ng Gabinete na itinalaga ni Pangulong Duterte noong isinusulong ng huli ang pakikipagkasundo sa Communist Party of the Philippines (CPP) at sa pulitikal nitong sangay na National Democratic Front (NDF) at sa armadong sangay na New People’s Amy (NPA).
Ayon sa ilang kritiko, dapat na kumilos si Pangulong Duterte upang himukin ang mga kaalyado nito sa Kongreso na kumpirmahin ang appointment ni Secretary Taguiwalo. Ngunit ang paninindigan ng kalihim laban sa mga bagong buwis ang nagtiwalag sa kanya sa administrasyon, na pursigidong maipasa ang panukala. At tuluyan nang tumabang ang negosasyon ng pamahalaan sa CPP-NDF-NPA. Kaya naman mag-isa na lamang siya ngayon, hindi na iyong tipong ipaglalaban ng Pangulo sa mga tumututol sa kanya sa Kongreso.
Ang mga konsiderasyong pulitikal na ito marahil ang nagbigay-hugis sa naging pasya ng Commission on Appointments laban sa kanya. Ngunit nilisan niya ang paglilingkod sa gobyerno nang nananatiling buo ang integridad at may record ng tapat at mahusay na serbisyo sa bayan, partikular na para sa mahihirap na pangunahing pinagsisilbihan ng DSWD.