NI: Bert de Guzman

KUNG ang pagbabasehan ay ang mga pagdinig sa Senado at sa Kamara tungkol sa umano’y kurapsiyon at palusutan sa Bureau of Customs (BoC), lumalabas na ang bultu-bultong shabu na nagkakahalaga ng bilyun-bilyong piso ay galing sa China at hindi sa New Bilibid Prisons (NBP) tulad ng alegasyon ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) noon.

Bumilib ang mga tao kay Mano Digong nang sa pagkampanya niya sa 2016 elections ay nangako siya sa mga botante na susugpuin ang salot ng illegal drugs sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan. Nangako siyang magbibitiw kapag hindi nawala ang illegal drugs at handa niyang ibigay ang puwesto sa pangalawang pangulo. Hindi ito natupad. Sa pinakahuling balita, sinasabi niya ngayon na baka hanggang sa pagtatapos ng kanyang termino ay hindi pa rin ganap na mapuksa ang illegal drugs.

Libu-libo na ang naitutumba ng mga tauhan ni Gen. Bato---mga ordinaryo at nakatsinelas na pinaghihinalaang drug pushers at users sa katwirang sila’y nanlaban sa mga pulis gamit ang .38 cal. revolver. Iyon ang laging dahilan kung bakit binabaril at napapatay ang mga ordinaryong tulak at adik, NANLABAN!

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Patuloy ang paglaganap ng illegal drugs, patuloy ang bentahan at paggamit ng bawal na gamot o droga. Samakatuwid, ang dapat itumba ni Gen. Bato ay ang mga drug lord at big-time shabu smuggler at supplier na nagpapalusot ng bilyun-bilyong piso ng droga sa BoC.

Tandaan: Kung walang shabu na nakalulusot sa BoC at iba pang mga pantalan sa bansa, walang maibebenta ang drug pushers at walang mabibili ang mga adik. Kung gayon, ang dapat hulihin at itumba ng Oplan Tokhang ni Bato ay drug smugglers mula sa China at kasabwat nilang Filipino drug lords. Eh, bakit hindi pakiusapan ni PDU30 ang kaibigan niya na si Chinese Pres. Xi Jinping na harangin sa kanilang Customs at Immigration ang pagpupuslit ng shabu patungong ‘Pinas?

Aminado si BoC Commissioner Nicanor Faeldon na hindi niya kayang linisin ang Customs. Inamin niyang alam niya ang matindi at malalim na kurapsiyon sa kanyang tanggapan pero hindi niya kayang mag-isa na mapuksa ito. Nagkainitan sila ni Sen. Antonio Trilanes IV, dating kasama sa Magdalo na nagrebelde sa panahon ni Gloria Macapagal-Arroyo, nang prangkahang itanong sa kanya kung may kurapsiyon sa BoC. Ayaw sumagot ni Faeldon kaya napilitan si Sen. Richard Gordon, chairman ng komite, na pasagutin siya. Ayon kay Faeldon, meron siyang naririnig na kurapsiyon at may ilang tauhan ang BoC na nahuling gumagawa ng katarantaduhan.

Bumabagsik na naman ang Oplan Tokhang ni Gen. Bato. May report na sa isang araw lamang, may 32 suspected drug pushers at users ang napatay sa Bulacan. Marami ang nagtatanong: “Kailan naman mababasa at malalaman ng mga Pinoy na may itinumba ang mga pulis ni Bato at ng riding-in-tandem na bigating shabu suppliers, drug lords at Chinese at Filipino drug smugglers?