Nina VANNE ELAINE P. TERRAZOLA, REY G. PANALIGAN, at KATE LOUISE B. JAVIER

Sa gitna ng matinding galit ng publiko sa umano’y kuwestiyonableng pagpatay ng mga pulis-Caloocan sa 17-anyos na si Kian Loyd delos Santos, maglulunsad ng magkakahiwalay na imbestigasyon ang Senado, ang National Bureau of Investigation (NBI), at ang pamahalaang lungsod ng Caloocan sa umano’y panlalaban ng binatilyo sa anti-drug operation na humantong sa kamatayan nito.

Magsasagawa bukas, Agosto 20, ng caucus ang Senado upang talakayin ang nakaaalarmang serye ng patayan sa mga police operation noong nakaraang linggo, kabilang na ang pamamaslang kay delos Santos, estudyante ng Grade 11, at iginigiit ng pulisya na isang drug runner.

Sinabi kahapon ni Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III na magsasama-sama ang mga miyembro ng Mataas na Kapulungan upang desisyunan ang apelang magsagawa ito ng imbestigasyon sa serye ng madugong operasyon ng Philippine National Police (PNP) na ikinasawi ng nasa 82 katao sa loob lamang ng tatlong araw.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

UUNAHAN ANG PNP-IAS

Ayon kay Pimentel, “there is no need to wait for the findings of the PNP’s Internal Affairs Service (IAS)” dahil maaari namang maglunsad ng sariling pagsisiyasat ang Senado sa usapin.

Nitong Biyernes, ilang senador ang nagpahayag ng galit sa biglaang pagdami ng napatay sa anti-drug operation ng pulisya sa loob lamang ng tatlong araw.

Sinabi ni Pimentel na pagpapasyahan nila ang resolusyon para sa imbestigasyon at kapag naapruba na ay pangungunahan ng Senate committee on public order and dangerous drugs ng dating PNP chief na si Senator Panfilo “Ping” Lacson.

Una nang kinondena nina Senators Nancy Binay, JV Ejercito, Richard Gordon, at Risa Hontiveros ang pagpatay sa binatilyo, at pawang naniniwala na may pag-abusong nangyari sa panig ng PNP.

NBI AT CALOOCAN DIN

Samantala, kinumpirma kahapon ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na inutusan na niya ang NBI na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa pagkamatay ni delos Santos.

Sa bisa ng Department Order No. 546 ni Aguirre nitong Biyernes, inatasan niya ang NBI na maghain ng mga kaukulang kaso sa sinumang responsable sa pagkamatay ni delos Santos “as evidence may warrant.”

Kaugnay nito, nagpatawag kahapon ng emergency meeting si Caloocan City Mayor Oscar Malapitan, sa pamamagitan ng pinamumunuan din niyang Caloocan City Peace and Order Council upang malinawan ang usapin, at humarap sa kanya ang pamunuan ng Caloocan Police.

Iginiit ng sinibak na si PCP-7 Commander Supt. Amor Cerillo na hindi si delos Santos kundi isang police asset ang nakita sa kuha sa CCTV camera na kinakaladkad ng dalawang pulis-Caloocan.

Sinabi ni Malapitan na magsasagawa ng sariling imbestigasyon ang council para mabatid ang katotohanan sa likod ng pagkamatay ni delos Santos.

Bukod kay Cerillo, sinibak na rin sa puwesto sina PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremiah Pereda, at PO1 Jerwin Cruz.

May ulat ni Leonel M. Abasola