Nagsasagawa na ng pagsusuri ang Department of Agriculture (DA) sa nangamatay na alagang pato sa isang backyard poultry farm sa Manaoag, Pangasinan upang matukoy kung tinamaan na rin ito ng bird flu virus.

Sinabi ni DA-Region 1 Director Lucrecio Alviar, Jr. na isinasailalim na nila sa laboratory tests ang specimen ng mga patong magkakasunod na namatay sa hindi pa matukoy na dahilan.

Nagsasagawa na rin, aniya, ng imbestigasyon ang Bureau of Animal Industry (BAI) sa insidente.

Dagdag pa ni Alviar, bumuo na rin ang DA ng Regional Avian Influenza Task Force na tututok sa poultry animals sa buong Ilocos region simula nang magpositibo sa outbreak ang ilang manukan sa Pampanga at Nueva Ecija.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa Aurora, ipinag-utos na ni Gov. Gerardo Noveras ang mahigpit na pagtalima sa umiiral na batas sa pagbibiyahe ng mga buhay na manok at iba pang poultry products, kabilang ang Aviang itik, maging ang dumi nito, papasok at palabas ng lalawigan.

Nilinaw ni Noveras na ang mga lalawigang hindi apektado ng bird flu outbreak ay maaaring magpasok ng produkto sa Aurora subalit kinakailangang may dokumento—gaya ng shipping permit at veterinary health certificate—na magpapatunay na ligtas sa virus ang mga ito.

DEPOPULATION

Samantala, inaasahan ng DA na nakumpleto na kahapon ang depopulation o pagpatay sa nasa 500,000 manok, pugo, at itik sa San Luis, Pampanga.

Batay sa report ni DA Regional Director Roy Abaya, sinabi ni Secretary Manny Piñol na may kabuuang 214,506 na manok, itik, at pugo mula sa 29 na poultry farm sa seven-kilometer controlled radius sa San Luis ang napatay kahapon ng umaga, habang may 300,000 pa ang papatayin hanggang kagabi.

Aabot naman sa 300,000 ang papatayin sa Nueva Ecija upang makontrol ang virus, ayon kay Piñol.

HEIGHTENED VIGILANCE

Kasabay nito, patuloy na naka-“heightened vigilance” ang Department of Health (DoH) kasunod ng napaulat na may kaso na rin ng bird flu sa mga bayan ng Jaen at San Isidro sa Nueva Ecija.

Tiniyak ni Health Assistant Secretary Dr. Eric Tayag, tagapagsalita ng DoH, na hindi dapat mabahala ang publiko dahil mas pinaigting pa ng kagawaran ang monitoring sa virus, at muling iginiit na wala pang taong nahawahan ng bird flu virus. - Rommel Tabbad, Light Nolasco, Ellalyn de Vera-Ruiz, at Mary Ann Santiago