Ni BELLA GAMOTEA

Hindi itinuloy nitong Biyernes, Agosto 18, ang pagbitay sa isang Pilipino na ikinulong sa kasong murder sa Malaysia, kasunod ng huling minutong pag-apela ng Embahada ng Pilipinas sa Kuala Lumpur, kinumpirma kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Ayon sa DFA, kamakalawa itinakda ng Malaysian government ang pagbitay sa Pinoy death row na si Ejah bin Jaafar, matapos hatulang guilty ng Sandakan High Court sa kasong pagpatay sa Sabah noong Setyembre 2006.

Pinagtibay ang hatol ng Court of Appeals at ng Federal Court noong Setyembre 2011 at Setyembre 2013, ayon sa pagkakasunod.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ipinagpaliban ang pagbitay kay Jaafar nang iutos ni Sabah Governor Tun Datuk Seri Panglima Haju Juhar Haji Mahiruddin matapos umapela ng Embahada ng Pilipinas sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Sa ipinarating na ulat ni Philippine Ambassador to Malaysia Charles Jose, ipinababalik ng gobernador ang kaso ni Jaafar sa Sabah Pardons Board, na pinamumunuan ni Governor Mahiruddin, upang muling pag-aralan.

Kaugnay nito, patuloy ang pag-apela ng Pilipinas para sa mas mababang sentensiya kay Jaafar.

Kaugnay nito, nagpaabot ng pasasalamat si DFA Secretary Alan Peter Cayetano sa gobernador ng Sabah dahil sa pagtugon sa pag-apela ng pamahalaan ng Pilipinas.