Ni: Clemen Bautista
SA Rizal, hindi nakakalimutang bigyang-halaga ang mga guro. Ginagawa ito sa pamamagitan ng GURONASYON. Kinikilala at pinaparangalan ang mga guro sa paniwalang sa kamay nila nakasalalay ang kinabukasan ng kabataan. Ang salitang GURONASYON ay mula sa pinagsamang salitang GURO at koroNASYON. Pangunahing layunin ng Guronasyon na bigyang-halaga at kilalanin ang mga guro sa Rizal at mapataas ang kalidad ng edukasyon.
Sa pagkilala sa mga guro sa Rizal, nitong Agosto 14 ay muling inilunsad ng Province of Rizal Educational Development Council (PREDAC) ang paghahanap ng mga natatanging guro sa Rizal. Ayon kay Dr. Edith Doblada, executive director ng PREDAC, saklaw ng paghahanap ang mga nagtuturo sa DepEd Rizal, DepEd Antipolo, University of Rizal System (URS), at sa Technical Education Skills and Development Authority (TESDA). Ang mga mapipiling natatanging guro ay kikilalanin sa Guronasyon sa darating na Nobyembre.
Ang Guronasyon ay sinimulan ni dating Rizal Congressman Bibit Duavit noong 1994. Kabalikat sa proyekto si dating Rizal Governor Casimiro “Ito” Ynares, Jr. Sa panahon ng panunungkulan ng dalawang mahusay na lider sa Rizal, kapwa nila pinagtuunan ang edukasyon at kalusugan sa Rizal. Sa ngayon, nagpapatuloy ang Guronasyon sa pakikipagtulungan nina Representative Michael Jack Duavit, ng Unang Distrito ng Rizal; Rizal Governor Rebecca Nini Ynares, DepEd Rizal, DepEd Antipolo at ng PREDAC.
Makalipas ang ilang taon, ang Guronasyon ay naging isa nang foundation. At upang patuloy pang palakasin at maging mahusay ang programa sa edukasyon sa Rizal, itinatag ang Province of Rizal Educational Development Council (PREDAC).
Sa pamamagitan ng PREDAC, naging mahusay, nagkaroon ng sistema at koordinasyon at nagkakaisa sa paglulunsad ng mga programa at proyekto sa edukasyon mula sa public elementary at secondary school hanggang sa kolehiyo at unibersidad.
Ayon kay Dr. Doblada, malaki ang ginagampanang papel ng liwanag sa buhay, lalo na sa mga guro, sapagkat ang liwanag na ito ay nagsisilbing tanglaw sa mga kabataan upang ihanda sila sa magandang kinabukasan. Ang liwanag na ito ang sagisag ng mainit na pagkilala at pagpapahalaga sa mga guro at namamahala sa mga paaralan. Taglay ng bawat guro ang liwanag na magsisilbing gabay at halimbawa sa bawat guro tungo sa maayos, magandang pagpapatupad at pagsunod sa simulain ng Kagawaran ng Edukasyon. Ang Guronasyon ay hamon sa mga Gurong Rizalenyo bilang kabalikat sa pagtatamo ng kapayapaan at magandang kalidad ng edukasyon.
Maraming guro sa Rizal ang nagsasabing malaki ang naitutulong ng Guronasyon para sa mga gurong Rizalenyo, sapagkat lalo silang nagsusumikap upang maitaas ang kalidad ng edukasyon.
Sa pananaw ng iba pang guro sa Rizal, ang Guronasyon ay maituturing na inspirasyon upang lalong magsikhay, magpakita ng lakas at talino at magsumikap at magtiyaga tungo sa maunlad ng edukasyon sa Pilipinas. Sana ay hindi magsawa si dating Rizal Cong. Duavit sa pagbibigay ng parangal at pagkilala sa mga Gurong Rizalenyo.