Kalaboso ang isang Chinese na itinuturong utak sa pagdukot at pagkulong sa isang Koreano, sa loob ng 11 araw sa loob ng isang hotel, na umano’y hindi makapagbayad ng utang kaya plinanong ipatubos na lamang ng P4 na milyon sa pamilya nito sa Ermita, Maynila, iniulat kahapon.

Nakatakdang sampahan ng kasong kidnapping at serious illegal detention si Gong Yu Jia, 28, casino financier, tubong Fujian, China, at nanunuluyan sa isang hotel sa Adriatico Street, kanto ng Malvar St., sa Ermita.

Ayon kay Police Chief Inspector Joselito de Ocampo, hepe ng Manila Police District-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS), inaresto si Jia at ikinulong nang ireklamo ni Jung Jae Hoon, 39, na nanunuluyan sa isang condominium sa A. Mabini St., sa Ermita.

Ayon kay Hoon, nangyari ang insidente nang matalo sa siya sa casino noong Agosto 6, dakong 11:00 ng gabi.

National

Ogie Diaz, pinalagan sinabi ni Greco Belgica na hayaan mga 'tunay na lalaki' sa gobyerno

“Humiram ‘yung Koreano ng halagang P600,000 dun sa suspek at nang matalo ‘yung hiniram na pera, inutusan ng suspek y’ung kanyang mga tauhan na idetine ‘yung Koreano sa hotel at nagpalipat-lipat ito sa condominium, tapos ipinatutubos ng P4 milyon sa kanyang pamilya,” ayon kay de Ocampo.

Gayunman, bigo ang pamilya ni Hoon na makapagpadala ng pera ngunit masuwerte itong nakatakas nang malasing ang nagbabantay sa kanya noong Agosto 17, dakong 7:00 ng gabi. - Mary Ann Santiago