Ni: Fr. Anton Pascual

NITONG nakaraang mga araw, marami ang nag-react sa balitang maaari nang makakuha ng blogger’s accreditation mula sa Malacañang.

Para sa inyong kaalaman, ang mga blogger ay iyong mga indibiduwal o grupo na nagse-self publish sa Internet. Malaki ang kaibahan nito sa media na may sinusunod na code of ethics, may mga ahensiya at asosasyon na sumusuri, nagre-regulate at may censorship. Ayon kay Communications Secretary Andanar, dahil walang sumusuri sa blog entries ng mga accredited blogger, ang ahensiyang pinamumunuan nito ang sumusuri ng mga ito.

Maraming blogger ang sinusundan sa lipunan ngayon, at marami sa kanila ay matatawag na tunay na “influencer”. Ang kanilang mga ineendorsong produkto o gamit o tao ay nabibigyang espasyo sa buhay ng kanilang mga follower.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Higit pa sa tradisyon, si Hesus ang sentro ng Pasko

Walang masama na mag-accredit ng mga blogger, ngunit kailangan malinaw sa publiko na sila ay hindi na-accredit upang magbigay ng tunay at walang kinikilingang balita. Ang mga blogger, kapanalig, kaya sila mga “influencer”, ay hindi maitatatwang may kanya-kanyang paniniwala na malaya niyang nailalathala sa blog. Pinipili nila ang kanilang mga ilalathala at mga kaganapan na iko-cover. Sa mga reporter, may kanya-kanya silang beat at sa ayaw man nila o hindi, kailangan nilang i-cover ang beat na itinakda sa kanila. Sa mga blogger, okay lamang na isingit ang kanilang mga personal na opinyon, pero sa mga reporter kapag isiningit mo ang iyong personal na opinyon, maaari kang mapagalitan o matanggal sa trabaho.

Magkaiba ang blogging at professional reporting, ngunit sa gitna na pagkakaiba na ito, pareho itong mahalaga at kailangang patatagin. Buhay at namamayagpag ang blog scene sa ating lipunan. Kung magagamit lamang ito para sa hindi magandang layunin, masisira ang pundasyong itinatag ng ating mga beteranong blogger. Kung patuloy naman natin pahihinain ang kredibilidad ng media sa ating bansa, para na rin nating binuwag ang isa sa mga haligi ng ating demokrasya.

Kailangan nating masuri ang ating mga polisiya at pagsasanay, lalo pa’t mabilis ang pagbabago ng teknolohiya, pati na ang pamamaraan ng pamamahagi ng balita. Ngayon na kailangan natin ng totoong balita, hindi nararapat na lalo nating palabuin ang paraan ng pagbabahagi ng impormasyon. Insulto ito sa mga blogger at mga mamamahayag. Dapat nating isulong ang kahusayan sa komunikasyon (excellence in communication) at pagyakap sa katotohanan (commitment to truth).

Ang mga ito ay pahalagahan na dapat maging pamantayan ng lahat, kahit pa ng private media organizations, ng public news agency at ng mga blogger. Kapag ang mga ito ang naging pamantayan, pihadong ang kabutihan ng balana ang sinusulong ng pamahalaan. Ayon nga sa Pacem in Terris, ang lipunan ay hindi magiging maayos o maunlad kung ang mga pinuno nito ay hindi mangunguna sa pangangalaga sa mga institusyon nito at hindi ilalaan ang sarili sa kabutihan lamang ng iilan, kundi ng balana.