TAIPEI – Matapos makibahagi sa makulay na opening ceremony, kaagad na sasabak ang atletang Pinoy sa archery, diving, judo, swimming, taekwondo at weightlifting sa paglarga ng 29th Summer Universiade ngayon sa Taiwan Sports University Stadium.

Pangungunahan nina Loren Chloe Balaoing at Shanaya Rose Dangla ng University of Baguio ang kampanya ng bansa sa limang araw na kompetisyon.

BEST BET! Kumpiyansa ang Philippine delegation sa laban ni archer Loren Chloe Balaoing ng University of Baguio sa Universiade Games.
BEST BET! Kumpiyansa ang Philippine delegation sa laban ni archer Loren Chloe Balaoing ng University of Baguio sa Universiade Games.
Sasalang naman sina Ann Janeth Garcia at Danielle Noreen Sacbibit sa taekwondo event sa Taoyuan City Arena. Makakasama nila sina Glenn Harold Salgado, Erson Macatangay, Gabriel Joshua Ancheta at Peebles Jerkin Pintuca.

Nakasungkit ng isang silver medal ang taekwondo mula kay Samuel Thomas Morrison ng Far Eastern University sa 2011 Shenzhen Universiade.

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: 10 bansang hindi nagdiriwang ng Pasko

Sa judo, pambato ng bansa sina Rainer Zaparita, Boniwell Amistad, Fred Aclopen, Norvy Estalin, Jazlen D. Awitan at Sylvia Carame ng Cordillera.

Nasa mga balikta naman nina Elien Rose Perez, Kurk Kuffka Abala, Clark Cuico at Elie Perez Jr. ang kampanya sa weightlifting sa Tamkang University Shaomo Memorial gymnasium.

Nag-iisa namang panlaban ng RP sa diving si Monique Ann Demaisip sa University Taipei Diving Hall.

Kumpiyansa naman si David Ong, pangulo ng Federation of School Sports Association of the Philippines (FESSAP), na makakaagapay ang swimming team sa pangunguna ni Marie Claire Adorna.

Sasabak si Adorna, nakibahagi rito sa 2013 Universiade sa Kazan, Russia, sa torneo sa Agosto 25 matapos kumampanya sa Team Philippines sa 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Kasama din sa mga opisyal na nangangasiwa sa mga atlta sina FESSAP chairman and delegation head Alvin Tai Lian, Filipino Chinese Chamber of Commerce and Industries (FCCCI) honorary president and flag-bearer Angel Ngu at San Miguel Corp. executive Col. Ariel Querubin.

“Just do your best for our country,” pahayag ni Ong.

Kabuuang 130 atletang Pinoy ay sasabak sa Universiade.